Jean,walang planong makipaghiwalay, di mahilig sa bagets

'Naloloka’ si Jean Garcia sa mga intrigang dumarating sa kanya ngayon. Na puro nakababatang aktor ang nali-link sa kanya, tulad nina John Lloyd Cruz, Victor Neri at Ram Revilla.

‘Ito ba ang tinatawag na price of success? E, konti pa lang naman ang success ko, a?" natatawang sabi ni Jean nang makakwentuhan namin sa last shooting day ng bago niyang pelikula, ang Anak Ka ng Tatay Mo! ng Magsaysay Film sa Rancho Revilla sa Bacoor, Cavite.

Wala raw katotohanan ang balitang hiwalay na silang mag-asawa. Sa katunayan, tahimik at maligaya ang kanyang pamilya kahit long-distance ang kanilang love affair dahil laging nasa Japan ang kanyang mister.

Minsan daw kasi ay nagkaroon sila ng misunderstanding at umuwi ng Japan ang kanyang esposo. Noon nabalitang naghiwalay sila.

"Pero away o tampuhang mag-asawa ang nangyari. Very common naman ‘yun sa mag-asawa, di ba?" Pero madali rin silang nagkabati at umuwing muli ng Pilipinas ang kanyang asawa. "Medyo mahirap at magastos ang sitwasyon namin," patuloy ni Jean. "Pero wala sa bokabularyo namin ang paghihiwalay. Lalo na sa bokabularyo ko. After all that I’ve been through. "We’re intact. Kahit busy ako sa career ko, hindi ko pinababayaan ang mister ko, ang aming two-year old baby at ang panganay kong si Jennica.

Natatawa lamang si Jean sa pagkaka-link sa young actors. "Yan ang grabe! At bakit naman bagets? Nakaka-flatter naman. Kaya lang, lumalabas na parang sugar mommy ako. Wala bang ka-age group ko man lang?" ‘naloka’ raw siya ng unang lumabas ang tungkol kay John Lloyd na kasama niya sa teleseryeng It Might Be You ng ABS-CBN. Pinagbibintangan pa siyang siya raw ang dahilan ng break-up nina John Lloyd at Ciara Sotto at nakakasira sa loveteam nina John Lloyd at Bea Alonzo.

Hindi nga sigurado si Jean kung sa teleserye, anak niya si John Lloyd. "Tapos ay mali-link kaming dalawa? Di ba nakakaloka?"

Gulat na gulat din si Jean nang tanungin sa kanya si Victor Neri. Nagkasama raw sila ni Victor sa isang episode ng Maalaala Mo Kaya pero ni hindi sila naging close; ni hindi sila nagkasamang lumabas na magkasama; ni wala silang bonding. "Ang haba talaga ng buhok ko kung type man lang ako ni Victor!"

Ang medyo naiintindihan ni Jean ay ang tungkol sa bagong aktor na si Ram Revilla. Ito ang bida sa Anak Ka ng Tatay Mo! kung saan gumaganap si Jean bilang seducer ng aktor. Okay lang daw kay Jean kung gusto silang gamitin sa publisidad ng pelikula dahil wala namang love interest si Ram sa pelikula. "Pokpok kasi ako rito at tinuruan ko si Ram ng kung anu-ano tungkol sa birds and the bees."

Pero sa totoo lang daw ay wala siyang kahilig-hilig sa mga batang lalaki, lalo na sa young actors. Kung noong kabataan niya’y ‘baka pwede pa’ pero tahimik na nga raw ang kanyang lovelife at wala na siyang mahihiling pa. Kung paanong wala na siyang mahihiling sa kanyang career.

Bukod sa teleseryeng It Might Be You, dalawang pelikula ang katatapos gawin ni Jean ang masasabing most successful comebacking star ngayon, ang Anak Ka Ng Tatay Mo at Volta ng Star Cinema. (Ulat ni BOY C. DE GUIA)

Show comments