Ate Glow, mag-iiba ng character kapag di nanalo si GMA!

Kung kailan siya nagkaroon ng kanyang unang recording sa Vicor ay saka pa tila nagkakaroon ng lambong sa career ni Ate Glow bilang impersonator dahil kinukwestyon pa ang pananalo ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa nakaraang eleksyon.

Sinabi ni Ate Glow sa launching ng kanyang debut album na pinamagatang "Ate Glow. Noh!" na ginanap sa Club Filipino na kung hindi mananalo si PGMA ay mag-iiba na siya ng character na iimpersonate. But on the other hand, kahit ito manalo ay kinakailangan na rin sigurong magkaroon siya ng mga ibang characters na gagayahin. "Kaya lang wala na akong makikitang kasing-laki at kasing-popular siguro ni PGMA," ang matapat na sabi ng popular na impersonator na tapos ng Film & Literature sa UP, cum laude at sa kulang sa dalawang taon niyang pag-iimpersonate ay nakabili na ng dalawang ektaryang farm sa Tarlac at isang, Toyota VX 200 na siya niyang gamit ngayon.

Ang "Ate Glow, Noh!" ay isang Audio-Video CD. Ang Track 1 ay video ng album launch nito sa isang programa at ang Track 2 ay MTV ng carrier single na "Step, 1 2 3" ni Sunny Ilacad. Ang iba pang tracks ay "Tatakbo Ako", "Bubble Gum Dance" ni Bobby Tomas, "Go, Go. Glow" (Raul Solomon), "Tango, Boogie, Cha Cha" (Lito Camo) at ang revival ng "Sumunod, Sumayaw" ng VST & Co.
*****
Kahanga-hanga itong si Carlos Agassi na bagaman at nasa kasibulan ng kanyang buhay ay kontento nang hindi makakanta at makalabas sa mga ibang programa sa TV dahilan lamang sa kaabalahan niya sa kanyang programang Victim na ngayon ay araw-araw nang mapapanood at itinapat sa malakas na programa ng GMA, ang Extra Challenge.

"Hindi na nga ako nakakauwi. Halos dito na ako sa istudyo naglalagi, mula sa actual taping hanggang sa editing. Pati pag-ahit ng balbas, minsan di ko na nagagawa," pagtatapat ni Carlos na bukod sa nawalan na ng lovelife ay nasuntok na, nasampal, napalo ng mike at nalait ng kanyang mga nabiktima pero hindi pa rin siya sumusuko dahil malakas pumalo ang show na sa kanya nagsimula ang ideya na napulot niya mula sa isang palabas sa US.


Victim Extreme na ang titulo ng programa simula Hunyo 7, 7:30 NG sa ABS CBN.
*****
Silver anniversary naman ng Ellen’s Aesthetic Center ni Ellen Lising, ang pangulo ng Center at chief aesthetician. Dahilan dito, magbibigay ng hanggang 50% discount sa lahat nilang customer bilang pasasalamat sa 25 taong pagtangkilik sa kanyang mga centers sa Hunyo 17.

Bilang celebration, magkakaroon ng inagurasyon sa Hunyo 20 ng kabubukas na Ellen’s bldg sa Timog, a video presentation ng Ellen’s evolution, isang fashion show na tampok ang mga celebrity clients ng Ellen’s.

Ilan lamang sina Nora Aunor, Melanie Marquez, Evangeline Pascual, mga Mutya ng Pilipinas winners Jo Canonizado, Rochelle Romero Ong at Darlene Carbungco at mga ex-Bb Pilipinas winners Daisy Reyes at Alma Concepcion, Senator-elect Dick and Mrs. Kate Gordon sa mahabang listahan ng mga panauhing inaasahang darating sa anniversary celebration.

Para sa karagdagang detalye, tumawag sa Ellen’s main center 4133375/3746665 at hanapin sina Cherryl o Jhunelyn.
*****
Email: veronicasamio@yahoo.com

Show comments