Nagpunta nga kami sa sinasabi niyang lugar sa araw at oras. Pagdating namin doon ay inabot namin ang pagbababa ng mga malalaking kahon mula sa isang covered truck, DVD nga ang laman ng mga iyon.
Matapos na maibaba, naglapitan na ang maraming mga negosyante, binuksan na ang mga kahon at nagsimula na silang kumuha kung ano ang kanilang gusto. Inililipat nila iyon sa ibang mga kahon, para naman madala nila sa kanilang mga puwesto. Isang trader din ang aming informant. Kaya nga nakalapit din kami sa kanila, at nakita namin ang napakaraming DVD, siguro iyon na ang pinakamaraming nakita namin sa buong buhay namin. Ang shipment ay galing sa Taiwan. Dual layer ang quality ng mga DVD na iyon, o ang tinatawag nilang DVD-9. Ang halaga ng wholesale nila ay 50 pesos lamang, at sinasabi nga nilang doon mismo sa Quiapo, 65 pesos lamang ang retail noon. Sa ibang lugar kagaya sa Greenhills, mula 80 piso hanggang isandaan ang halaga ng isa. Kung ganoon karami ang nai-smuggle nilang DVD, isipin ninyo kung gaano kalaki ang nawawala sa gobyerno. Dahil hindi sila nagbabayad ng tax, naipagbibili nila iyon ng mura. Bagsak ang legal na video industry, at bagsak ding tiyak ang industriya ng pelikula sa ating bansa.
Marami nang legal na video stores ang nalugi at nagsara. Maski nga ang kaibigan naming si Eddie Littlefield na dati ay may popular na video shop sa Angeles City ay nagsara na rin dahil tinalo nga sila ng piracy. Nagsasara na rin ang lahat halos ng mga sinehan, maski na iyong mga nasa malls. Wala na halos nanonood ng sine eh, kasi nga mura ang video.
May magagawa pa ba tayo riyan o panonoorin na lang natin ang pagbagsak ng industriya ng pelikula at ng video?
Pilit na itinatago ng male star ang kanyang mga escapades sa mga gays sa pamamagitan ng pagdi-display ng isang girlfriend niya kunwari, eh maikakaila banaman iyon eh lagi siyang usapan sa mga gay circles.