Star na si Joross Gamboa

Isang kakaibang aksyon ang mapapanood sa Basta’t Kasama Kita sa mga darating na episode. Tinawag ito ni Jerry Sineneng na Pigatos. Isang mala-Blade na mga eksena na magtatampok kay Robin Padilla.

Ang Pigatos ay orihinal na konsepto ni Direk Jerry.

"It’s something na hindi pa nagagawa sa isang local show. Hindi naman kasi madaling i-mount ’yung gano’ng eksena. Pero kapag gusto mo, gagawin mo. Fulfillment mo ’yon bilang isang direktor," sabi ni Direk Jerry.

Matapos ang isang malaking eksena sa Basta’t Kasama Kita, ang search and rescue scene ni Robin na ginamitan ng helicopter at barko, ilang buwan na ang nakakaraan, narito naman ang Pigatos.

"Iba naman ito. This is something action lovers will get interested in. Plus si Robin, gustung-gusto niyang mag-action. Kaya matutuwa ang mga followers niya sa mga mapapanood nila sa BKK," kwento pa ni Direk Jerry.

Speaking of BKK, consistent at hindi ito natitinag ng katapat na programa sa pagiging number one. Tulad ng iba pang teleserye ng ABS-CBN, hindi rin bumababa sa 40% ang rating ng BKK.
* * *
Exciting ang kwento ng Decoys, isang pelikula tungkol sa alien. Kwento ito ni Luke Callahan (Corey Sevier) – isang college freshman na hindi inakalang ang minsan niyang pagpunta sa laundry ay nangangahulugan na mababago na ang kanyang buhay.

By some twist of fate, nakita na lang ni Luke ang sarili sa loob ng isang girls’ dorm. Doon ay nakita niya ang dalawang maalindog na babae – sina Lilly (Stefanie von Pfetten) at Constance (Kim Poirier). Doon ay naganap din ang isang nakakakilabot na pangyayaring hindi niya makakalimutan – nakita niya ang paglabas ng tentacles sa katawan ng dalawang babae.

Isang umaga pagkatapos ng isang sorority party, natagpuang patay ang isang star hockey player. Sunud-sunod na ang malagim na pangyayari sa loob ng campus.

Ang suspetsa ni Luke, may kinalaman sina Lilly at Constance sa malagim na pangyayari. Ang alam niya, ang dalawang babae ay mga alien na naka-disguise as beautiful women. Pero iba ang hinala ng mga pulis – may kinalaman si Luke sa mga pangyayari.

Paano malalaman ang katotohanan? O baka si Luke na ang susunod na biktima?

Directed by Matt Hastings, ang Decoys ay may special advance screening sa May 18, 7:30 p.m. sa Cinema One ng SM Megamall. Regular showing nito ay sa May 19.
* * *
Isa si Joross Gamboa sa pinakasikat ngayon sa Star Circle Quest. Nakita ko kung paanong pinagkakaguluhan ang alagang ito ng kaibigang Jun Reyes. Sa kabila ng kasikatan ngayon ni Joross, nananatili itong humble at mabait. Kahit may ilang tao na nagsasabi na suplado raw ito.

"Yun nga po ang impression sa akin ng ibang tao," sabi nito. "Pero kapag nami-meet na nila ako at nakilala, nawawala ’yung impression na ’yon. Good boy po ako," sabi pa nito.

Hindi pa man ganap na artista ay star treatment na ang natatanggap ni Joross mula sa mga fans. Hindi niya ini-expect na ang ginawa niyang pagpila sa SCQ audition kasama ang manager niya ay magbabago ng kanyang buhay.

Bukas at 5:30 ng hapon, ay isa na naman sa natitirang Star Circle Teen Quest finalists ang mai-eliminate. Kaya kabado na si Joross at panay ang dasal na huwag siyang mai-eliminate.

"Kung ano pa ang gusto ni Lord mangyari, ’yun. Lahat po ng nangyayari, may purpose. Pero sana po, ma-retain ako," pag-asam nito.

Sina Joross at Hero Angeles ang sinasabing pinakamahigpit na magkalaban sa male finalists sa Star Circle Teen Quest.

Show comments