Pyar,bakit ayaw magpakita ?

Palabas na bukas ang pelikulang Animal ng World Arts Cinema pero ayaw mag-promote ng mga artista nito na sina Pyar Mirasol at Via Veloso.

"We’re not in good terms," ani Pyar sa text na ipinadala niya sa isang entertainment editor. Nag-uugat ang kanyang galit sa diumano ay ginawang pagbibigay ng pabor kay Yda Manzano sa pelikulang Haplos, gayong pelikula raw ito ni Pyar.

Wala rin daw problema ang dalawang aktres sa nagbabalik na si Direktor Toto Natividad, ang tinututulan nila ay ang hindi magandang trato sa kanila ng WAC nung ginawa nila ang pelikulang Saranggani.

"Bakit hindi nila aminin na pareho silang mataba ngayon kaya ayaw nilang lumantad?" ang umuusok sa galit na salita ng WAC producer na si Ms. Jojo Galang. "Pinagtakpan ko lang siya nun," dagdag pa ng produ kaugnay ng balitang panganganak ni Pyar.

Samantala, si Via naman ay nakatakdang magpa-laser lipo bukas, kay Dra. Vicki Belo at mapapanood sa Linggo sa At Home Ka Dito ng ABS CBN. Willing na itong tumanggap ng character roles. Hiwalay na sila ng basketball player na ama ng kanyang anak at may bago na raw itong inspirasyon.
* * *
Dahil lamang sa pagsuporta niya kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa kanyang pagsusulat ay tumanggap na ng pagbabanta sa kanyang buhay ang founder ng SUGAR (Showbizwriters United for Gloria’s Agenda for Reform) at isang columnist na si Fundy Soriano.

"Kung inaakala nilang mali ang aking isinusulat, maaari nila itong pabulaanan at bibigyan ko sila ng equal space. Pero, walang gumawa nito," anang chairman ng SUGAR na binubuo ng 60 na entertainment editors at columnists sa maraming tabloids at ilang broadsheets na sumusuporta kay
PGMA.

Samantala, malakas din ang suporta ng
FAP (Film Academy of the Philippines) sa pamumuno ni Leo Martinez at Film Development Council na pinamumunuan naman ni Laurice Guillen kay PGMA.

"Nagtanong siya kung ano ang problema ng industriya kaya alam kong pakikinggan niya ang iba pang problema," ani Direk Laurice.

Ani PGMA: "Sa tatlong taon bago ako naging pangulo, isang milyong trabaho lamang ang nalikha. Kaya namana ko ang higit sa apat na milyong walang trabaho. Kasama rito ang mga taga-showbiz dahilan sa film piracy at mataas na amusement tax.

"Sa aking maikling panguluhan, nakita ko’t naunawaan kung ano ang kailangan n’yo: Ibaba ang amusement tax, pigilan ang film piracy at iba pang kailangang gawin, para sa kinabukasan nating lahat."


veronicasamio@yahoo.com

Show comments