Nauuso lang ang bastos na kanta kapag taghirap ang buhay !

Pinag-iinitan naman ng mga moralista ngayon ang mga novelty songs, kagaya noong "Spageti Song" at saka yong "Bulaklak" na sinasabi nilang mga kantang may double meaning, bastos daw. Hindi nila matitiyak dahil double meaning nga eh.

May panahong ang mga nausong kanta ay mas matindi pa riyan. Natatandaan ba ninyo yong mga kantang "Pinagbigyan" ng Ermar Duet, at yong "Haring Solomon", na talagang may kabastusan. At saka hindi na bago yon dahil kinakanta ang mga awiting ganun sa lamayan ng mga patay kahit na noong araw pa. Novelty songs nga eh.

Kung natatandaan ninyo, ganito rin ang mga rap na ginawa ni Andrew E. Hindi lang double meaning yon, talagang bastos ang ginawang rap, pero nakakalusot din.

Ngayon sinasabi ba naming palusutin na lang natin ang mga kantang may double meaning? Hindi, pero kailangang patunayan natin na bastos ang mga kantang yan.

Kung sasabihin natin na may double meaning ang mga yon, ano nga ang the other meaning? Kasi igigiit nila na yong nagbibintang lang ang bastos dahil wala sa intensiyon nila na maging bastos nang gawin nila ang kanta.

Halimbawa yong "Bulaklak", sinasabi nilang ang laki-laki, ang bangu-bango, papasok ang reyna bubuka ang bulaklak, sasayaw ng chacha ang saya-saya. Eh ano ang bastos dun? Oras na magreklamo ka sasabihin pa marumi ang isip mo.

Yang mga novelty songs na yan lang ang bumibenta simula pa noong nakaraang taon. Kung wala ang mga novelty songs na yan, burado na ang music industry sa Pilipinas. Yang mga novelty songs, nauuso lang kung mahirap talaga ang buhay.

Naghahanap kasi ang mga tao ng mapagtatawanan. Unang nauso ang mga bastos na kanta bago mag-martial law noong 1972. Ngayon mas mahirap ang buhay, kaya nauuso na naman ang novelty songs.
* * *
Sabi nila, ang naunang nagtayo rito ng boyband ay yung Power 4. Simula sa isang commercial ng deodorant, mabilis silang napansin ng mga tao hanggang sa maging isa nga silang grupo. Nag-click sila noon at marami na ang sumunod. Nagkaroon ng Masculados, na nang malaunan ay mas kumita pa raw ang ginawang album kaysa sa plakang ng Power 4.

Magulo kasi ang Power 4 noong nagsisimula pa lang eh. Ngayon na si James Salas na ang manager nilang lahat, baka mas maayos pa ang career nila.

Show comments