Maraming taga-showbiz ang nakatira na sa LA ngayon

Hindi gaanong ipinagdiriwang sa Amerika ang Mahal Na Araw kung ikukumpara sa Pilipinas pero malaking okasyon doon ang Easter Sunday o Araw ng Pagkabuhay. Kung dito sa Pilipinas ay sagrado ang Biyernes Santo, doon ay isa lamang itong ordinaryong araw.

Nung nakaraang Biyernes Santo (April 9), isang live show ang ginanap sa Glendale Civic Auditorium na pinamagatang Parade of the Stars na tinampukan nina John at Camille Prats, John Lloyd Cruz, Kaye Abad at Mickey Ferriols kasama ang ilang local Filipino talents ng LA bilang guest performers.  Ang grupo ay nagtanghal din sa San Diego, Carson City at sa Las Vegas. Kasama rin sila sa mga nagtanghal sa ika-sampung anibersaryo ng TFC (The Filipino Channel) ng ABS-CBN na ginanap sa Cow Palace sa San Francisco, California.

Mula San Francisco kung saan siya nag-cover sa ika-10th anniversary ng TFC, tumuloy din ng L.A. ang entertainment editor ng Philippine Star na si Ricky Lo kung saan siya namalagi sa loob ng dalawang araw. Nagkataon naman na naroon kami sa Anaheim ng isa pang kaibigan at kasamahan sa panulat na si Ronald Constantino (ng Tempo) kaya nagkita-kita kaming tatlo sa tulong ng aming host na si Alfonso ‘Al’ Chu.  Sinundo ni Al si Ricky sa kanyang hotel sa Santa Ana at sama-sama kaming nagtungo sa Disneyland nung April 5 (Holy Monday). 

The following day, magkakasama rin kami nina Ricky at Al and family (minus Ronald dahil sinundo ito ni Manny Fernandez, dating entertainment writer sa Pilipinas at dinala sa kanilang lugar) na nanood ng Lenten play  na The Glory of Easter na ginanap sa 3,000-seater na Crystal Cathedral sa Anaheim.   

Bago pa man kami lumipad nung Abril 2 patungong Anaheim, sinabi na sa amin ng aming host na si Al Chu ang aming itinerary sa aming ten-day vacation kaya hindi na kami nagsingit pa ng iba pang schedule o makipagkita man lamang sa iba pa naming mga kaibigan na naka-base sa L.A. at sa  iba pang mga karatig lugar. Maging ang mga kapatid ni Ronald Constantino sa San Jose ay hindi na niya nakita o natawagan man lamang. 

Gaano man ka-busy ni Al sa kanyang trabaho at negosyo ay naglaan talaga siya ng panahon para sa amin.  He was a perfect host to us.

Isang araw ang aming inilaan sa Universal Studios, isang araw  sa Disneyland at  isang araw din  sa Sea World sa San Diego at nag-over night stay naman kami sa Caesar’s Palace sa Las Vegas, Nevada. 

Dahil overnight lang kami sa Las Vegas, wala kaming show na napanood. Ang regular performers sa Caesar’s Palace ay sina Elton John at Celine Dion. Pero kahit sandali lang kami sa Vegas, nagkaroon kami ng pagkakataon na maka-dinner ang dating OctoArts talent at That’s Entertainment member na si Mikee Villanueva kasama ang kanyang husband na si Chris Cadiz at dalawa nilang tsikiting na sina Brenden at Stacy sa bahay ng kanyang in-laws.

Dahil wala na kaming oras, hindi na kami nakapunta pa sa bahay mismo nina Mikee at Chris. Habang kami ay nasa Vegas, sinubukan kong tawagan ang bahay sa Vegas ng OctoArts big boss na si G. Orly Ilacad. Nagkataong nasa labas ito at ang anak nitong si Coline Ilacad lamang ang aming nakausap. 

Ang ganda pa rin ni Mikee Villanueva sa kabila na ito’y may asawa’t dalawang anak na with another one coming out in June. Maswerte si Mikee dahil nakatagpo ito ng isang mabait at responsableng asawa sa katauhan ni Chris Cadiz na mag-isang anak lamang. Napakabait din ng in-laws ni Mikee  na sina G. Richard at Gng. Nena Cadiz na very supportive sa kanilang mag-asawa. Katunayan, ang bahay nina Mikee at Chris ay bigay mismo sa kanila ng parents ni Chris na nag-relocate na rin sa Las Vegas mula San Francisco. 

At alam ba ninyo kung sino ang nag-drive sa amin patungong Las Vegas?  Ang step-dad ni Judha Paolo na si Joey Gonzales kasama ang mommy ni Judha na si

Alice
,  Al, Ronald at ang daughter kong si Aila Marie. Si Joey ay dati ring aktor nung dekada otsenta bago ito nag-migrate sa Amerika. Sina Joey at Alice ay very close sa aming host na si Al Chu na hindi nila mapahindian nang ito’y mag-request na samahan kami sa Las Vegas. Ang Las Vegas ay four hours drive mula Anaheim.

Dapat sana’y may dinner pa kami kasama sina Monet Lu (close friend ni Ruffa Gutierrez sa L.A.) at ang entertainment writer sa LA na si Oliver Carnay pagkabalik namin galing Vegas, pero  hindi na ito natuloy dahil nawalan na kami ng oras. Ang isa pa naming kaibigang si Mel Lago (may ari ng isang travel agency sa LA) ay sa telepono lang namin nakausap ganundin si Florence Aguilar (remember her?). Pero na-touched kami nang puntahan kami sa airport ng dalawa pa naming kaibigan na sina Ryan Deles at ang fast-rising Filipino dance diva sa LA na si Sharon T.  Nakapag-dinner pa kami  sa loob ng Tom Bradley International Airport bago kami tuluyang nag-board pabalik ng Pilipinas.

Sa Glendale Civic Auditorium kung saan nag-show ang ilang ABS-CBN talents, nakita namin ang dating aktres na si Amalia Brasa at ang mister nitong si Lew Soratorio (dating recording artist ng Vicor) na naka-base ngayon sa Oxnard, naroon din ang dating entertainment writer sa Pilipinas na si Tony Vizmonte. Sa Bahay Kubo restaurant naman ni Mommy Lucing Hernandez ay naroon sina Dr. Manzano, ang mang-aawit na si Ricky Ramos at ilang local Filipino press. Sa pamamagitan din ni Al, nakilala namin doon ang isa pang writer na si Dindo Reyes (dating entertainment publisher/writer sa Pilipinas) at ang editor-in-chief ng Ang Peryodiko na si David Casuco na naka-base naman sa Carson.  Nagkita rin kami ni Alfred Yumol sa blessing ng travel agency office ni Ryan Deles. Dapat sana’y siya ang mag-a-arrange ng pag-uusap namin ni Gabby Concepcion pero hanggang sa aming pag-alis ay hindi na ito naisakatuparan.

Marami-rami na rin ang mga showbiz personalities ang naka-base sa L.A. at sa mga karatig lugar tulad nina Bert Leroy, Raul Aragon, Aurora Sevilla, Florence Aguilar, Long Espina, Ella Mae Saison, Bunny Paras, Florante, Louie Reyes, Lew Soratorio, Amalia Braza at iba pa.     Hindi madali ang buhay sa Amerika.  Pero kapag masipag, matiyaga at maabilidad ka, mabubuhay ka roon
* * *
Personal:  Ang aming pasasalamat kay Al Chu and Family sa pagiging perfect host sa amin nina Ronald Constantino at Aila Marie. Maraming salamat din sa sister ni Al na si Vicky Chu, kina Gengie at Aileen Abobo, Elizabeth, Sergio, Joey and Alice Gonzales, kay Mommy Lucing Hernandez ng Bahay Kubo, Ryan Deles, Sharon T., Mr. & Mrs. Richard Cadiz, Chris &  Michelle Cadiz.
* * *
a_amoyo@pimsi.net

Show comments