Ito ay ayon kay senatorial bet Boots Anson-Roa na nagsabing maraming batang Pinoy na nakatira sa ibang bansa ang may itinatagong kakaibang talento sa pag-arte, pag-awit at iba pang talino sa showbiz.
Dating cultural officer at press attache sa embahada ng Pilipinas sa Washington D.C., sinabi ng aktres na ang pagpili kina Jasmine Trias at Camille Velasco na makabilang sa 12 finalist ng American Idol ay patunay lamang ng kahusayan ng mga kabataang Pilipino sa showbiz.
Sa 11 taong inilagi namin ni Pete sa Amerika bilang mga overseas Filipino workers, nakita namin kung paano pataubin ng mga batang may dugong Pinoy ang mga Amerikano at iba pang mga banyaga sa ibat ibang sining sa showbiz. Iba talaga ang Pinoy, pagmamalaki ni Anson-Roa.
Kabilang sa maipagmamalaki nating mga Pinoy ay ang ating talento at kagalingan, sa sining sa pagkanta, sayaw at pag-arte. Gaya nina Lea Salonga at Monique Wilson na nagbigay ng karangalan sa bansa dahil sa Miss Saigon, si Billy Crawford na sikat na sikat sa Europa, sina Jasmine Trias at Camille Velasco ay dapat din nating ipagmalaki, pahayag ni Anson-Roa.
Mahigpit ang kumpetisyon sa American Idol gaya ng StarStruck sa Pilipinas dahil unti-unting inaalis hanggang maging isang babae at isang lalaki ang magkamit ng grand prize.