Inilalabas ni Jimmy Bondoc sa kanyang mga awit ang hinanakit sa buhay

Lahat naman ng mga naging kilalang tao ay dumaan din sa mga masasaklap na karanasan.

At kung pagmamasdan mo ang mayaman, talented at mahusay na singer na si Jimmy Bondoc akala mo pa easy easy lang ito sa buhay. Yun pala, marami rin siyang sama ng loob dahil sa hirap na pinagdaanan as a singer.

Kahit ako ay hindi makapaniwala dahil taliwas ito sa pagkakilala ko sa kanya na masayahin at masarap kasama na akala mo ay walang hang ups. Yun pala ay may itinago ring resentment, pero mabuti na lang at nalampasan na niya ito.

Nakakalungkot na marinig na mas traumatic daw ang kanyang mga experiences noong nagsisimula siya na ayaw na niyang isa-isahin pa, dagdag pa rito ang break-up nila ng kanyang dating gf. Pero ang maganda kay Jimmy, ginagawa niyang therapy ng kanyang mga frustration ang pagsusulat ng kanta.

At ang resulta ay isang magandang kantang "Let Me Be The One" na siyang nagpabago ng kanyang buhay. Hindi naman intensyon ni Jimmy na i-release ang kantang ito.

Isinulat lang niya ito sa isang papel para ilabas ang kanyang sama ng loob, at ni-record din niya sa kanilang bahay. Nagustuhan naman ng isang DJ Eric Perpetua ng Wave 89.1 ang bawat lines ng kanta. Ibinigay ito ni DJ Eric sa station manager na si Joe D’ Mango at pinatugtog na nila sa radio. Sa loob lamang ng anim na linggo ay nag-number one hit song na agad ito sa radio.

"Yung success ng kantang "Let Me Be The One" ay hindi ko inaasahan. Ginawa ko ito at my lowest point. Alam mo yung para kang binagsakan ng langit at lupa. Pero ni hindi ko naisip na magki-click yung kanta. Higit sa lahat, napawi yung mga hinanakit ko noon," revealed ni Jimmy. Kasama na rito ang frustration niya sa dati niyang recording studio na Star Records. Marami raw kasing pangako ito sa kanya na hindi natupad.

Pero wala naman siyang against dito, dahil sa kabila ng lahat ay dito siya nagsimula at nagkapangalan.

Si Joe D’ Mango rin ang dahilan kung bakit napunta si Jimmy ngayon sa BMG Records.

Ipinakilala si Jimmy sa mga boss ng BMG at nagkasundo naman sila at ngayon ay may one album contract si Jimmy sa BMG.

May laman din ang bagong album ni Jimmy na may pamagat na Musikero na hango rin sa mga karanasan niya sa buhay.

Ito ang "Musikero" na carrier single ng album na 10 years ago na niyang ginawa. Ang ibang kanta sa album ay "Wish You Were Mine," "Akin Na Lang Sana Siya," "Balang Araw Minette," "Knowing That You’re Coming Over," "Hahanapin Kita," "Safe Place" at ang lead single na "The Man I Was With You." Kasama pa rin sa album ang "Let Me Be The One" na release ng BMG Records Pilipinas.

"Hindi ko alam kung magugustuhan ng mga tao ang music ko. Hopefully tangkilikin nila. Pero ang mahalaga again, na-express ko yung gustong i-share sa kanila. Kung ano ang yung tinitibok ng puso ko. Hindi ko alam kung ano ang resulta nito. Whatever it is, I’ll take my chances," pagpapakumbabang sabi ni Jimmy.

Pero tiyak na hindi mabibigo ang mga fans ni Jimmy sa bago niyang album na "Musikero". Talagang lumabas ang pagiging musikero ni Jimmy na siyang sumulat at gumawa lahat ng kanta sa album. Musikero ang title ng album dahil sa pagkanta umiikot ang buhay ni Jimmy mula pa pagkabata nito. Di malayong mag hit din ang mga kanta niya sa album katulad ng "Let Me Be One" o pwede ring mahigitan pa ang kasikatan nito.

Show comments