Male bold star na hosto sa Japan,ibubulgar sa TV !

Noong isang gabi, nagpunta kami sa isang music store dahil may hinahanap kaming kopya ng isang lumang kanta, na hinahanap naman ng isa naming kaibigan. Pero mahirap na talagang maghanap ng plaka na kasing tanda na ng Brothers Four.

Sa halip, ang nakita namin ay isang CD na compilation ng mga hit songs ng sikat na grupong Stylistics. Kapanahunan namin yan, at natuwa kami.

Binili namin ang CD, pero magugulat ka dahil ang presyo noon ay 450 pesos. Inisip nga namin, papaano nga palang makakabili ng legal na CD ang isang minimum wage earner halimbawa? Papaano mo aasahang bumili ng legal na CD yong jeepney o taxi driver na nagpapatugtog sa kanilang minamaneho? Sabi nga namin, swerte pa rin kami dahil madalas nabibigyan lang kami ng kopya, pero pagka pala ganoong bibili ka, matatauhan ka rin sa presyo nila.

Alam ba ninyo na yong mga ganong klase ng compilation doon sa mga pirated ay P20.00 lang ang bentahan sa Quiapo?

Palagay namin, yan ang isang bagay na kailangan nating pag-isipan. Walang taong gustong bumili ng pirated. Walang taong magsasabi sa inyo na gusto nila iyong imitasyon o hindi original. Ang mga Pinoy mahilig sa original, pero kung hindi nila makakayang bilhin ang original copy, pupunta sila sa pirated. Isipin naman ninyo kung gaano kalaki ang agwat ng presyo. Hindi namin malaman kung bakit may mga CD na ang benta nila P20.00, pero mayroong din na mahigit pa sa doble ang presyo.

Alalahanin ninyo, dito sa Pilipinas 80 porsiyento ng mga tao ang mahirap. Ilan lang ang mayayaman dito sa ating bansa. Maraming walang trabaho. Maraming may trabaho man, pumapasok na lang na DH sa abroad.Palagay kaya ninyo magtatapon sila ng malaking pera sa CD halimbawa kung iyong mga nagkalat na pirated ay barya-barya lang ang presyo? Iyan ang isipin nila, para mawala iyang pirated ibaba naman nila ang presyo ng original.
* * *
Nag-endorso ng pelikula ang arsobispo ng Maynila, Gaudencio Rosales, DD. Nanawagan siya sa mga tao na panoorin ang isang pelikula tungkol sa pagpapakasakit ni Kristo, dahil Holy Week nga naman. Hindi lang yan ang pelikulang maganda, marami ring mga lumang pelikula na ganyan ang tema na available sa legal na VCD.

Nakakatuwa na ang arsobispo mismo ang nag-endorso at nanawagan sa mga tao na manood ng sine. Religious film naman ang ini-endorso niya. At least hindi mo siya maririnig na nag-eendorso ng mga kandidato. Sa totoo lang, nakakainis na ang mga paring namumulitika. Hindi tama eh. Pabayaan nating pangalagaan ng mga pari ang kapakanan ng ispirituwal ng mananampalataya muna, bago yang pamumulitika nila. Mayroon diyan napapabayaan ang mga parokya nila, ni hindi nagmimisa pero nasa rally.
* * *
Mahal na Araw na, hindi pa rin natin maiwasan ang tsismis. Tumawag sa amin ang isang tv show. Papunta raw ang crew nila sa Japan, at gusto nilang malaman kung saang club nagtatrabaho bilang hosto ang mga male bold stars na naroroon. Ngayon makikita na sila sa TV mismo, papaano pa kaya nila maikakaila ang trabaho nila?

Kung sa bagay hindi pa rin naman makikita roon kung anong sideline ang ginagawa nila kung mayroong "dohan".

Show comments