Kris,maikukumpara kay Nicole Kidman sa 'Feng Shui'

Hindi ikinakaila ni Bernadette Sembrano na masaya siya sa naging desisyon niyang lumipat sa ABS-CBN. Ni ayaw na niyang pag-usapan ang hindi magandang paghihiwalay niya sa dating istasyon na pinaglingkuran niya.

Ngayon daw, aniya, masaya siya sa kanyang trabaho at mga taong nakakasalamuha. Ang higit na nakapagpapasaya kay Bernadette ngayon ay ang programa niyang Lukso Ng Dugo.

Masaya si Bernadette dahil sa kakaibang tema ng kanyang programa.

"It’s gives me a great feeling na ang show ang nagiging instrumento to reunite people with their lost loved ones," sabi ng mabait na TV host. "Talagang ang aim ng show is to help people. The show is aimed at helping our kapamilya."

Dahil sa magandang feedback sa Lukso Ng Dugo, lalong na-excite si Bernadette. Mataas ang rating ng kanyang show at loaded with commercials. Kinausap niya ang staff ng show na gusto niyang sumama sa shoot ng mga VTR.

"Gusto kong maging involved sa search ng mga case studies namin. Kaya kapag wala akong ibang commitment, sumasama ako para maramdaman ko ’yung sentiments nila."

Sa pakikipag-usap ko kay Bernadette, naramdaman ko ang pagiging simpleng indibidwal nito. She is very simple. She has simple needs and dreams. Hindi mapaghangad ng labis. At higit sa lahat, isang very sincere na tao.

With her 2 shows, the other one is Magandang Umaga Bayan, masayang-masaya na si Bernadette.
* * *
Maganda ang simula ng Mangarap Ka, ang bagong teleserye ni Piolo Pascual na nagsimula noong Lunes sa ABS-CBN. Unang pag-ere pa lang, panalo na ito sa rating. Nagtala ito ng 22% laban sa 16% ng kalabang programa.

Ako man at mga batang kasama sa bahay ay giliw na giliw itong panoorin. Bukod sa drama aspect ng show, nakakaaliw din ang animation nito. Kaabang-abang sa tuwing lalabas ang animation ni Dragon King. May bago na namang iidolohin ang mga bata.

Ito ang muling pagbabalik ni Piolo Pascual sa teleserye. Nakakatuwang muling mapanood si Piolo sa telebisyon tuwing hapon.

Marami din ang natuwa sa husay ni Steven Christian Fermo. Natural umarte ang bata. Nakakatuwa sa tuwing nanlalaki ang mata nito sa tuwing makikita si Dragon King. Habang sinusulat ko ito ay hindi pa lumalabas ang karakter ni Angelica Panganiban.

Excited din akong mapanood si Angelica sa kakaiba niyang role sa telebisyon.

Naka-jackpot na naman ang ABS-CBN drama department sa konsepto ng Mangarap Ka. Walang duda na na-hit nila ang jackpot nang gawin nila ang Marina, ang kinababaliwang fantaserye sa telebisyon ngayon.

Bukod kay Piolo, iba pang cast, tiyak na masaya ngayon ang mga director nito na si Malu Sevilla at Cathy Garcia-Molina dahil nagpi-pay off ang kanilang hirap sa taping.
* * *
Isinama ako ni JD Ching ng Star Cinema sa lock in (viewing) ng Feng Shui ang pelikulang ginagawa ngayon ni Kris Aquino sa Star Cinema. Alam ko nang suspense ang movie kaya inihanda ko na ang sarili ko sa takot. True enough, halos mapasigaw ako at ang mga kasama kong nanood sa takot. Pero kakaiba ang Feng Shui sa mga suspense movies na napanood ko.

Iniba ni Chito Roño ang istilo ng pagdidirek sa pelikula. Wala ang mga nakakatakot na creature pero kikilabutan ka sa mga eksena.

Tama ang sabi ni Kris na mapapansin siya sa movie. Ang husay niya sa mga eksenang napanood ko. Naikumpara ko siya kay Nicole Kidman sa The Others. Kapag si Chito ang director, lumalabas talaga ang kahusayan ni Kris sa pag-arte. Naikwento na sa akin ni Kris minsan ang hirap na pinagdadaanan niya sa shooting ng Feng Shui.

Ang husay din ni Jay Manalo bilang asawa niya. Kahit ang mga support stars na sina Lotlot de Leon at Ilonah Jean ay mahusay din.

Hindi ko alam kung kailan ipalalabas ang Feng Shui pero abangan ninyo ang kakaibang pelikulang ito ni Kris at Star Cinema. Sa totoo lang, kakaiba talaga.

Show comments