Flowers pa lang na gagamitin sa concert P1M na

Hindi lamang ang dekorasyon ng Araneta Coliseum ang pagbubuhusan ng pansin ng producer na si Rosemarie "Baby" Arenas, sa pakikipagtulungan ng ABSCBN bilang media partner, na magdadala rito sa pamosong tenor na Italyano na si Andrea Bocelli para sa isang konsyerto na magaganap sa Araneta Coliseum sa Abril 30 kundi maging ang pagsasaayos ng Araneta Coliseum, ang pagpapaganda ng acoustic nito. Lalagyan pa rin ito ng red carpet at magkakaro’n ng pre-concert cocktails bilang pagbibigay halaga sa kasikatan ng bulag na manganganta na isa ring abogado at nagmemeari ng mga gold records. Nagkaroon na rin si Bocelli ng pagkakataon na makakanta kasama si Luciano Pavarotti sa isang pabenepisyo at mag-debut sa isang opera before the pope sa St. Peter’s Basilica. Nakakanta na ito kasama si Celine Dion ng "My Prayer" na naging isang malaking hit at nabigyan ng nominasyon sa Oscars at ng English soprano na si Sarah Brightman. Isang malaking fan nito si Elizabeth Taylor na hiniling na mag-perform siya sa tribute na ibinigay dito.

Makakasama ni Bocelli sa kanyang konsyerto ang soprano na si Maria Luigia Borsi at ang conductor na si Marcello Rota na siyang magko-conduct sa Padre Pio Symphony Orchestra na siya lamang Pinoy sa napaka-foreign na entourage ni Bocelli. Bago ito ay nag-conduct ng audition sa anim na malalaking pangalan para makasama ni Bocelli sa concert pero, baka magka-problema lamang daw sa billing kung kaya nagpasya si Ms. Arenas na ang orchestra na lamang ang maging compromise sa puro mga dayuhang magpi-perform sa Araneta.

Tatlong taon nang iniimbita ni Ms. Arenas si Bocelli para pumunta at mag-perform sa Pilipinas pero, maraming dahilan kung kaya ito, hindi natuloy. Natatakot din nung una na pumarito ang tenor dahilan sa mga nababalitaan na niya pero, siniguro ni Ms. Arenas na napaluha nang una niyang marinig kumanta si Bocelli, na ligtas ang bansa sa mga gulo at panggugulo kung kaya pumayag din ito.

"Ginawa ko ito para makita at may matutunan ang mga local talents natin ng technique niya sa pagkanta at para rin makatulong ako sa maraming charities na nangangailangan ng tulong.

"Hindi ako kikita sa show, mag-aabono pa nga ako pero, hindi na bale kung sa pagdadala ko sa kanya rito ay marami tayong mabibigyan ng kasiyahan at tulong. At gusto ko ring masabi na nadala ko sa Pilipinas ang isang malaki at mahalagang tao," anang producer na umamin na iniimbita niya sa show ang lahat ng mga presidentiables at katunayan, may isang vice presidentiable nang bumili ng tiket at marami pang ibang political candidates ang manonood ng konsyerto.

Limang charities ang makikinabang sa concert – ang Padre Pio Lend A Hand Foundation, Bantay Bata, Philippine National Red Cross, Ateneo AHS ’79 Foundation at Mt. Pinatubo Hidden Temple Shrine Foundation sa Zambales.

Mabibili na ang mga tiket para sa concert sa Mandarin Oriental, 750-8888, Araneta Ticketron sa halagang P500, P2,000, P3,000, P5,000, P10,000 at P15,000.

Show comments