Angelica, Mikey pinatawag ng ABS-CBN executives

Inamin ni Mommy Beth Jones na tapos na ang intriga sa pagitan nina Mickey Ferriols at sa anak niyang si Angelica Jones kung saan namis-interpret ang kanyang sinabing ang kanyang anak ang nagdadala ng MTB: Ang Saya-Saya. "Nakakahiya naman kina Edu Manzano at Aiai delas Alas kung sasabihin kong si Angelica ang nagdadala ng show. Kahit kay Mickey ay wala kaming sama ng loob dahil mabuting kaibigan siya ng aking anak," aniya.

Nagsimula sa isang simpleng di pagkakaintindihan ang dalawa kung saan naiba-iba na ang bersyon dahil lumaki nang lumaki na ang balita.

Ipinatawag sina Mickey at Angelica ng executives ng Dos para magkapaliwanagan at mabigyang linaw naman sinabi ni Mommy Beth.

Tuloy pa rin sa MTB si Angelica at sumabak na ito sa aksyon sa Basta’t Kasama Kita kaya’t nagpapaturo ito ng fight routines.
Kasama Na Sa ‘Twin Hearts’
Baong karagdagan sa Twin Hearts sina Angel Locsin at Railey Valeroso bilang kababata ni Dennis Trillo sa probinsya. Magkakagusto si Railey kay Tanya Garcia na lihim ding iniibig ni Dennis.

Para sa amin ay mas bagay sina Tanya at Dennis kung saan kahit sa tunay na buhay ay tinutukso na ang dalawa sa kabila ng pagkakaroon ng nobyo ng dalaga. May kilig factor ang kanilang tambalan.

Magandang break ang naipagkaloob ng Siyete kay Dennis kung saan napabayaan noon ang career nito sa Dos. Bukod sa Twin Hearts at maraming TV appearances ay kasama na rin ito sa Love 2 Love at katriyangulo na siya nina Angel Locsin at Cogie Domingo.
Abala Sa Foundation
Dalagang-dalaga kung tingnan ngayon ang First Lady ng Caloocan na si Madam Gigi Malonzo. Nangayayat ito ng husto dahil sa rami ng proyekto sa Caloocan bilang punung abala sa iba’t ibang foundation kung saan katatapos lang ng Mr. & Miss Caloocan gayundin ang Mr. & Miss Young Caloocan.

Dahil sa rami ng mga livelihood programs nito nakapagpa-graduate ito sa basic computer course, curtain making, dressmaking at cosmetology course ay nabigyan ito ng parangal bilang Women Helping Women Awardee sa nakaraang pagdiriwang ng International Women’s Day noong Marso 8 sa Club Filipino.
Binibili Na Rin Ang Wedding Rights
Swerte naman ng mga ikinakasal na celebrities ngayon. Binabayaran na ng malaki ang TV rights ng wedding ng mga kilalang artista natin sa halagang mula sa P1milyon hanggang P5 milyon. Hindi lang sila napapanood ng sambayanang Pilipino kundi nababayaran pa. At least ang kanilang ginastos sa kasal ay nababawasan. Kaya naman uso ngayon ang pagkuha ng wedding coordinator para makatiyak na magiging bongga at maayos ang kasalan.

Pabongga nang pabongga ang mga idinaos na wedding ng mga artista gaya nina Ruffa at Yilmaz Bektas at kamakailan ay yung kina Jules at Assunta de Rossi na sosyal na sosyal ang dating. Ang puna ko lang dito ay di ang tatay ni Sam ang naghatid sa kanya sa altar kundi ang bunsong anak na lalaki ni Jules.
Proud Ang Mga Teachers Kay Jiro
Bongga ngayon ang career ni Jiro Manio dahil sa edad na onse ay dalawang magkasunod na trophies ang natanggap nito. Una ay sa Gawad Tanglaw na isang bagong tatag na award-giving body na binubuo ng mga professors sa iba’t ibang kolehiyo. Maswerte ang Magnifico kay Jiro dahil ito ang nagbigay sa kanya ng karangalan bilang Best Actor at sinundan ng pagiging Best Actor din sa nakaraang Star Awards for Movies.

Dahil sa pagkapanalo nito ng dalawang beses ay tuwang-tuwa sa kanya ang mga kaeskwela lalo na ang mga teachers niya sa Holy Child Parochial School sa San Juan kung saan Grade V na ito. Nagbigay ito ng blow-out sa mga teachers at mga kaeskwela.
Naloka Ang Line Produ Sa Dami Ng Bisita
Ayon sa isang source ay mahirap din pala ang trabaho ng isang line prodyuser lalo na kung independent company ang gumagawa ng pelikula. Syempre kailangang tipirin ang pera at paghustuhin ang budget para sa production cost.

One time ay nagsyuting ng isang award-winning movie kung saan naloka ang line prodyuser dahil dinalaw ang isang artista nilang young actor ng nobya nito. Kasama ng nobya ang kanyang ina, dalawang alalay at dalawang kapatid. Dahil sa probinsya ang syuting ay kailangan silang ihanap ng cottage na matutuluyan at idagdag pa ang kanilang pagkain. Isang araw ding nanatili doon ang mga kasamang dumalaw sa young actor kaya nadagdagan ang gastos ng kawawang line produ.

Show comments