Maraming yayaman sa eleksyon

Ngayon medyo open na si Aiko Melendez sa pag-amin na mayroon na siyang boyfriend, si Victor Neri. Pero bago niya inamin iyon, nauna munang inamin ni Victor ang kanilang relasyon sa isang tv talk show. Natural nangingimi siguro si Aiko na umamin, nang hindi pa naman nagsasalita ang lalaki.

Sa pag-amin ni Aiko na may karelasyon na siya, parang gumaang ang kanyang mga dinadala. Dati kasi ay nasasaktan pa siya kung nalalaman niyang may iba nang ka-relasyon si Jomari Yllana. Nun yon, wala na ngayon. Noon nakakapagsalita pa siya tungkol sa relasyon ni Jomari kay Ara Mina, ngayon hindi na niya magagawa iyon. Kasi may karelasyon na rin siyang iba!

Hindi man tumagal ang kanyang bagong relasyon, hindi pa rin siya makapagsasalita dahil wala siyang masisising iba sakaling maghiwalay sila.

Sa totoo lang, mahirap ang sitwasyon ni Aiko Melendez, ngayon, sala sa init, sala sa lamig. Mahirap siyang basta magsalita tungkol sa kanyang love affair ngayon, at sa love life naman ng dati niyang asawa, bagaman hindi naman niya maiiwasan ang magsalita dahil baka sabihin wala siyang concern sa ama ng anak niya.

Pero, di baleng masabi na wala siyang concern kung kami ang tatanungin, the best diyan ang manahimik na lang tungkol sa mga bagay na personal.
* * *
Alam ba ninyong isinalin na sa CD ang mga kanta ng mga finalists sa Search for A Star, bago pa man ang finals nila sa March 13 na gaganapin sa Ultra? Iyan nga ay para mabigyan daw ng pagkakataon ang publiko na mapakinggan na ang mga finalists bago ang kanilang laban. Maganda nga naman basehan yang CD para malaman nila kung sino ang mas magaling at mas dapat nilang iboto.

Basta nga naman narinig na ninyo sa CD, pwede na kayong bumoto.

Bago pa man magsimula ang finals nila sa March 13, more or less may ideya na kayo kung papaano nila babanatan ang kanilang kanta, at may choices na rin kayo kung sino ang sa tingin ninyo ay magaling talaga.
* * *
Marami ang yumayaman tuwing may eleksyon. Ganyan ang tsismis ngayon sa isang talent manager na malayo pa man ang eleksyon ay milyon na raw ang kinikita, kasi siya ang tagakuha ng mga artistang magkakampanya para sa isang grupo ng mga kandidato, at tinataasan talaga niya ang presyo ng mga artista, na hindi naman niya binabayaran ng ganoon kalaki. Mas malaki pa raw ang kupit niya kaysa sa talagang bayad sa mga artista. Iyong mga iba namang artista, pumapayag na sa gusto niya, kaysa naman daw sa walang bayad sila mapunta. Aba hindi magtataka kung pagkatapos ng eleksiyon eh talo pa niya ang nakatira sa Malacañang.

Show comments