Direk Dominic Zapata,hinihingan ng mag-inang Zenaida at Cogie ng public apology

Kung hindi magso-sorry ang batambata at bagong direktor ng pelikula na si Dominic Zapata sa mag-inang Zenaida at Cogie Domingo ay ididemanda siya ng mga ito sa ginawa niyang pagmumura kay Cogie sa barkada cast party na ginanap makatapos ang premiere showing ng pelikulang idinirek ni G. Zapata para sa Regal, ang Kuya na kung saan ay isa rin sa mga tampok na artista si Cogie.

Ang lalong nagbigay ng kahihiyan sa mag-ina ay ginawa ito ng direktor sa harap ng maraming tao, mga co-stars ni Cogie at crew members ng Regal habang nagsasalita ito sa harap ng microphone, matapos na pasalamatan si Mother Lily.

Talagang nagulat ang lahat nang sabihin nitong "P_____ ___a mo Cogie !!!

Binigyan ng mag-ina ng hanggang Peb. 27 ang direktor para sa public apology nito, kung hindi itutuloy nila ang kanilang demanda rito.
* * *
Pera ang pinaka-pangunahing dahilan ng dalawa sa grand finalists ng Search For A Star na sina Iris Malazarte at Camille Relevo, para sila sumali sa nasabing singing contest.

May sakit ang isang kapatid ni Iris at gusto niyang tumulong sa pagpapagamot nito. Bunso sa magkakapatid si Iris at nasa unang taon sa kursong psychology sa college.

Isang architecture student naman si Camille na gustong mag-negosyo at tumulong sa mga squatters area sa kanilang paligid.

Iba pa rin ang impact ng panalo ni Sarah Geronimo sapagkat hindi lamang ang dalawa ang nabigyan ng pag-asa kundi ang marami pa ring co-finalists nila sa Search For A Star.

Thirty percent ng score ng mga contestants ay nakasalalay sa text-in votes, Sa mga nais bumoto, mag-text sa: Star (space), name of contestant at i-send sa 2364 (for Globe/Touch Mobile) or 4627 (for Smart/Talk N Text).

Ang grand finals ng Search For A Star ay magaganap sa March 13, 7 pm sa Ultra, Pasig City. Maliban kina Iris at Camille, ang iba pang finalists ay sina Tina Braganza, Sarah Jean Badana, Romelo Valena, Raymond Manalo, Jerrianne Templo, Genevieve Villabroza, Cherryl Ubasa at Rachelle Ann Go.
* * *
Napaka-private naman pala ni Parañaque Mayor Joey Marquez. Panay nga plataporma niya ang sinasabi niya sa mga kausap niyang taga-media recently. Kung gusto raw nilang malaman ang mga tungkol sa personal niyang buhay ay hindi naman siya maramot, sasabihin niya sa kanila pero hindi habang hawak nila ang kanilang mga panulat at papel at habang may mga kamera na nakatutok sa kanya. Ang kondisyong ibinigay niya ay kailangang nasa bahay niya sila at over cups of coffee, magku-kwento siya pero kailangang ipangako nila na hindi nila ito isusulat.

Feeling ko, safe na safe ang mga babaeng minahal at minamahal niya na siya namang object ng pagtatanong ng lahat. Lalo na yung tungkol sa kanila ni Kris Aquino na malakas ang bulung-bulungan ay naka-reconcile na niya.

May mga pahiwatig nga na ito ang naka-Valentine niya. Pero, ayaw niyang magsalita.

Mabuti na lamang at maganda ang mga balak niya sa kanyang pagtakbo bilang congressman sa ikalawang distrito ng Parañaque. Lalo na yung tungkol sa pagpapaaral ng mga guro sa ibang bansa para mapataas ang antas ng kanilang pagtuturo at yung pagbabawas ng mga estudyante sa isang classroom para mas maintindihan nila ang mga itinuturo sa kanila.

Katuwang ni Joey sa pagtakbo si dating Mayor Pablo Olivarez at Anjo Yllana bilang mayor and vice mayor.

Kahit na naging mahigpit na karibal ni Joey si Olivarez sa mga nakaraang mga taon, ang suporta nito sa kanya ay siyang pinahahalagahan niya kung kaya magkasama pa rin sila ngayon.

Show comments