Isa nang star si Sheryn!

Nakitaan man ng kahinaan ang bagong singer na si Sheryn Regis dahil umiyak siya matapos matalo sa Star In A Million ni Erik Santos pero sasandali lamang ito. After makatanggap ng napakaraming text at tawag sa telepono ay feeling winner ang singer mula sa Cebu. Hindi rin niya makalimutan ang words of encouragement sa kanya ni Gary Valenciano, isa sa mga judge ng naturang contest. Dahil sinabi nito sa kanya "You are already a star," at may paglalagyan daw siya sa showbiz lalo na sa kanyang singing career kahit hindi siya nanalo.

Lalong lumakas ang loob nito matapos siyang papirmahin ng kontra at gawan ng album ng Star Records. Ngayon ay nasa finishing touches na ang kanyang first album at sa buwan ng March ay iri-release na ito. Hindi lang basta album ito ni Sheryn dahil mga bigating mga composer ang ibinigay sa kanya ng Star Records tulad ni Vehnee Saturno.

"Feeling winner na rin po ko dahil sa mga magagandang opportunites na ibinibigay sa akin ng ABS CBN. Ganun din yung magandang pagtanggap ng mga tao sa akin," ani Sheryn.

Hindi lang dito sa Maynila humahataw ang kanta ni Sheryn isa sa mga winning piece nito na "Come On In Out of the Rain," kundi number one din ito sa Cebu kung saan siya galing. Hinihiling ng mga kababayan niya na muli siyang dumalaw sa kanyang bayan, pero dahil sa dami ng kanyang trabaho ay hindi pa niya ito maisingit. "Siguro po paglabas ng album ko dahil magpo-promote din po kami doon," ani ni Sheryn.
* * *
Laging pinaniniwalaan ng komedyanteng si Willie Revillame ang kasabihang sa pagsasara raw ng pinto ay mas maraming bintana ang nagbubukas. Kaya kahit masakit para sa kanya na iwanan ang Magandang Tanghali Bayan (MTB) ay nag-resign siya rito na hindi alam kung anong susunod na mangyayari sa kanyang career.

Kinabukasan ng Jan 6, after ng kanyang resignation sa MTB ay nakatanggap siya ng tawag mula kay Lito Camo (ang isa sa pinakamainit at sikat na composer ngayon) para alukin siyang mag-record ng isang album. Ang sumunod na araw ay pinapirma na siya agad ni Ms. Bella Tan ng Universal Records ng kontrata ng walang tanong-tanong sa komedyante. Sa umpisa ay marami rin ang nagdududa sa plano ni Mrs. Bella Tan na bigyan ng album si Willie dahil sa mga nakaraang intrigang kinasasangkutan ng komedyante. Walang kagatul-gatol na sinagot ni Bella Tan na "How can you go wrong with the tandem of Willie and Lito Camo," pagmamalaki nito.

Hindi na bago kay Willie ang pagri-record ng album. Dahil bago pa siya maging actor, host ay matagal na siyang musician. "First love ko ang music. Hindi pa ako artista, drummer na ako ng mga singing artists natin noon. And before umalis na rin ako sa MTB noon, at ang recording ang naging bread and butter ko. Pero ngayon mas memorable sa akin itong album ko dahil nakakita ako ng mga taong nagmamahal at sumusuporta sa akin.

"Ang sarap mabuhay ng wala kang bitterness sa puso mo. Ang laki nga ng pasasalamat ko sa ABS-CBN. Sabi ko nga kay Boss Gabby na bilang ganti sa pagtulong nila sa akin, minahal ko ang lahat ng shows na ipinagkatiwala nila sa akin," ani ni Willie sa kanyang album launch sa Willie’s Funline ang kakabukas palang niyang negosyo sa Quezon Avenue na three months palang na in operation. Ang Willie Revillame album na may carrier single na "Pito Pito" ay naglalaman ng sampung kanta tulad ng "Beep Beep Beep," "Juntis Ka Na Pala," "Walang Pagmamahal," "Jok Jok Jok," at marami pang iba na release ng Universal Records.

Show comments