Katherine Luna, Best Actress!

Tinanghal na Best Actress para sa taong 2003 ng Young Critics Circle si Katherine Luna, bida sa pelikulang Babae Sa Breakwater.

Papel ng isang batambatang probinsyanang nagbibenta ng aliw sa mga pahinante ng mga barkong dumadaong sa Manila Bay ang ginampanan ni Katherine sa pelikula. Sa audition pa lang ay nakakitaan na kaagad siya ng husay sa pag-arte ni Direk Mario O’Hara na siyang may-akda at direktor ng pelikulang nabanggit.

Ngayong may buwena-manong award na si Katherine, inaasahan ng maraming tagasubaybay ng pelikula na marami pang mga susunod na award na mapapanalunan si Katherine. Sayang at tila na-miss ng mga young critics ang kagalingan din ng kanyang nakapareha sa pelikula na katulad niya ay isa ring baguhan sa larangan ng pag-arte – si Christopher King.

Ang Babae Sa Breakwater ay nagbigay ng interes hindi lamang sa mga manonood ng lokal na pelikula kundi sa maraming producer ng pelikula kay Katherine. Maging ang press ay nagkaroon ng interes na kausapin siya at alamin kung paano naging isang magaling na artista ang isang bagung-bagong artista na katulad niya.

Ang Babae Sa Breakwater ay prodyus ng Entertainment Warehouse, Inc. (Ulat ni DENNIS ADOBAS)

Show comments