Bilang idolo ng mga kabataan, taglay ni Jolina ang mga katangian at talentong nagdala sa kanya bilang isa sa mga top singers ng ating industriya. Sa anumang istasyon ng radyo, pinakikinggan ang kanyang mga kanta. Pinatunayan ito ng walong gold record awards, tatlong platinum record awards, apat na double platinum record awards, dalawang triple platinum record award, dalawang quadruple platinum record awards, at ang bibihirang makuhang quintuple platinum record award na nakamtan lahat ni Jolina. Sa linaw at ganda ng kanyang boses at sa kanyang mga kantang Pinoy na Pinoy ang dating, hindi kataka-taka na si Jolina ang masuwerteng napili ng bagong lunsad na GMA Records na maging banner artist para sa initial album offering ng kumpanya ang "Jolina Forever".
Ngayong 2004, mas malinaw ang daan ni Jolina sa mas malayo pang tagumpay. Bukod sa dalawang regular shows niya sa GMA ang weekend concert TV na SOP at ang high-rating weeknight drama na Narito Ang Puso Ko, dagdag pa dito ang isang bagong album at ang upcoming movie niya, marami na nga ang sumusubaybay sa pagdating ng bagong Jolina at ang marinig na muli ang kanyang walang kupas at natatanging tinig na siguradong muling tatangkilikin ng mga kabataang Pilipino.