Piolo Pascual,pinaka-mainit na aktor sa bansa

Kuryente ang balitang shelved na ang Star Circle Quest, ang reality-based star search ng ABS-CBN. Nakuha ko ang official word ni Louie Andrada, production manager ng ABS-CBN at ayon dito, "tuloy ang show. May inayos lang na mechanics ng contest and na-settle na ‘yon. We just want to make sure na polished ang mechanics ng show. Concept-wise, okey na."

Ipinaliwanag din sa akin ni Mr. Andrada na hindi masasayang ang mga previously-taped episodes ng show dahil magagamit pa rin ito.

"It’s just the mechanics talaga. Hindi totoo na ibinasura na ito ng management. In fairness, mas okey na lumabas after na maayos ‘yung mechanics at magawa ‘yung revisions," sabi pa nito.

Ayon kay Louie, February ang target airing ng show. Sina Luis Manzano and Jodi Santamaria pa rin ang hosts ng show.

Nakita ko na ang karamihan sa mga contestants sa Star Circle Quest at ang dalawang dapat abangan dito ay sina Jay Benito at Gabb Drilon. Pawang mga star material ang dalawang ito.

O ayan, para sa mga nagtatanong, malinaw na ngayon na tuloy na tuloy pa rin ang Star Circle Quest sa February.
* * *
Tama ang intro ni Gary Valenciano kay Piolo Pascual sa ASAP Mania last Sunday, he is the man of the hour. No doubt na si Piolo ang pinakamainit na aktor sa bansa ngayon. Maganda at tama ang pagpapatakbo ng kanyang career ng ABS-CBN Talent Center. Anumang larangan ang pasukan niya, nagtatagumpay siya. Mula sa telebisyon, pelikula, recording at endorsements.

Nagbunga na ang pinaghirapan, sipag at tiyaga ni Piolo. Sa kabila ng mga pinagdaan niyang intriga at pagsubok, he has remained successful and very humble. Patuloy siyang minahal ng publiko. At patuloy din ang pagtangkilik nila sa kanya.

Sa pagpasok ng taong 2004, isang bagong yugto na naman ang sisimulan ni Piolo. Kasabay din nito ang pagdiriwang niya ng kanyang kaarawan.

Sa February 11, nakatakdang ipalabas ang bago niyang movie, Milan with Claudine Barretto. Ito ang unang pagkakataon na magtatambal sa isang movie ang dalawang pinakamalaking artista ng Talent Center.

Isa raw ito sa pinakamalaking pelikula na nagawa ng Star Cinema. Kinunan ang pelikula na sa iba’t ibang lugar sa Europe especially sa Milan, Venice at iba pa. Si Olivia Lamasan ang nagdirek ng pelikula. Bukod sa Valentine offering, ang Milan rin ang 10th anniversary offering ng Star Cinema which is now ABS-CBN Film Productions, Inc. Si Piolo din ang kumanta ng theme song ng movie, ang "The Gift" ni Jim Brickman.

Matutuwa ang mga fans nina Piolo at Claudine sa ibang bansa dahil may premiere ito sa Milan, Dubai at San Francisco. Pupunta silang dalawa sa mga nasabing premiere.

Marami pang biyaya na darating kay Piolo dahil mabait siyang tao. ‘Tulad ng wish ng lahat ng nagmamahal sa aktor, dalangin na magpatuloy pa ang kanyang kasikatan pero nananatiling nakatapak sa lupa ang mga paa.

Happy birthday sa isa sa pinakamabait na artistang nakilala ko, si Piolo!
* * *
Ini-announce na ng pamunuan ng Philippine Movie Press Club (PMPC) ang kanilang new set of officers. Sa ginanap na election last January 9, ang mga sumusunod ang nahalal na officers. Julie Bonifacio (President), Joe Barrameda (Vice President), Jimi Escala (Secretary), Mildred Bacud (Asst. Secretary), Robert Pangis (Treasurer), Aaron Domingo (Asst. Treasurer), Ronald Rafer (Auditor), Allan Diones & Rommel Gonzales (PRO) at mga Board of Directors na binubuo nina Ador Saluta, Boy Romero, Fernan de Guzman, Romel Galapon, Oghie Ignacio at Jun Reyes.

Isinagawa ang election sa presence ng past presidents ng club na sina Veronica Samio, Boy de Guia at Letty Celi. Natuloy ang election sa kabila ng banta ng breakaway group ng club na guluhin ito.

Sa January 16 ang induction at swearing in of the new officers. Pagkatapos ng induction, open na ang PMPC sa pagtanggap ng new members.

Sa mga bagong halal na officers ng PMPC, ang aking mainit na pagbati.

Show comments