Annabelle gustong kunin ang anak ni Ruffa

Ang presidential son, vice-governor ng Pampanga at actor na si Mikey Arroyo ay nag-file na ng kanyang kandidatura sa pagka-congressman sa ikalawang distrito ng Pampanga nung nakaraang Biyernes, January 2.

Nakasama ni Mikey sa Comelec ang mga mayors, vice mayors, barangay chairman at iba pang mga supporters na nagmumula sa anim na bayan ng Pampanga - Sesmoan, Guagua, Lubao, Sta. Rita, Floridablanca at Porac.

Pagkatapos ni Mikey na mag-file ng kanyang candidacy, tumuloy ito at ang kanyang mga supporters sa kanyang tanggapan sa Kapitolyo ng Pampanga. 

Tinanong namin si Mikey kung bakit hindi muna pagka-governor ng Pampanga ang kanyang inasinta yamang din lamang na last term na ito ni Gov. Lito Lapid na tatakbo naman umanong senador.

Ayon sa panganay ni Pangulong GMA, ang kanyang mga constituents at supporters umano ang may kagustuhan na ang kongreso ang kanyang pasukin sa darating na halalan.

Although nasa unang termino pa lamang si Mikey sa kanyang pagiging vice-governor ng Pampanga, marami umano siyang nagawa sa kanilang bayan bagay na kanyang ipinagmamalaki.

Samantala, sinabi ni Mikey na kung ia-allow ng batas, gusto pa rin niyang gumawa ng pelikula paminsan-minsan kahit mahalal siyang kongresista. Pero kapag ito’y ipagbabawal, wala umano siyang magagawa kundi sundin ang batas. Pero hindi umano ito nangangahulugan na tuluyan na niyang tatalikuran ang unang larangan na kanyang pinasok at napamahal na sa kanya.

"Malaki ang utang na loob ko sa showbiz. Dito ako unang nakilala at marami akong naging mga kaibigan dito," pahayag niya.

Kasama ni Mikey ang misis niyang si Angela Montenegro-Arroyo, ang brother-in-law niyang si Greg Montenegro at misis nitong si Ana Roces nang siya’y mag-file ng kanyang kandidatura. Naroon din ang mga kaibigan ni Mikey na sina Direk Willy Milan (na siyang showbiz manager ni Mikey), ang actor-director na si Al Tantay at ang character actor na si Manjo del Mundo.

Although may mga intriga ring kinaharap si Mikey nung nakalipas na taon, aminado siya na naging maganda ang 2003 sa kanya.

Umaasa rin si Mikey na ang natapos niyang pelikula, ang Kapitan Kidlat kung saan kabituin niya sina Alessandra de Rossi at Gwen Garci ay maipalalabas bago magsimula ang kampanya ng mga local candidates.

Naroon na rin lamang kami sa Pampanga ng hapon na ‘yon, hinagilap din namin ang mag-amang Gov. Lito Lapid at konsehal Mark Lapid pero kasalukuyan silang nasa gitna ng meeting kaya hindi kami nagkapalad na makapanayam ang mga ito. 
* * *
Gustong-gusto na rin ni Ana Roces na magka-baby sila ng mister niyang si Greg Montenegro, ang nakatatandang kapatid ng asawa ni Mikey. Kung tutuusin, nauna pang nagpakasal sina Greg at Ana kesa kina Mikey at Angela, pero may baby na ang huli, ang one-year-old na si Mikaela Gloria.

Although misis na, napakaganda pa rin ni Ana at slim ito ngayon kumpara noong aktibo pa siya sa showbiz. Kung mabibigyan lamang daw siya ng break, gustong-gusto ni Ana na maging isang newscaster at open pa rin umano sa kanya ang acting job kung may offer na darating dahil hindi naman daw siya pinipigilan ng kanyang mister.
* * *
Hindi ikinakaila ng mag-asawang Eddie Gutierrez at Annabelle Rama na nalungkot sila nang bumalik sa Istanbul ang kanilang anak na si Ruffa Gutierrez at apong si Lorin Gabriella Bektas. Although mahigit isang buwan nilang nakapiling ang mag-inang Ruffa at Lorin, ibang-iba umano ang kanilang kalungkutan dahil matagal-tagal na naman bago nila makita ang kanilang apo.

"Kung puwede nga lang sana, gusto ko sana na maiwan na sa amin si Lorin, pero alam ko na naman na hindi papayag si Yilmaz. Nung nandito nga sina Ruffa at Lorin, maya’t maya ay tumatawag si Yilmaz at kinakausap ang kanyang anak sa telepono," ani Annabelle.

Kapag hindi nakatiis sina Lolo Elvis (Eddie) at Lola Annabelle, tiyak na susundan nila ang apo sa Istanbul para bisitahin.

Samantala, sa Cyprus nagpalipas ng New Year ang pamilya Bektas. Since maraming negosyo na pinagkakaabalahan si Yilmaz sa iba’t ibang lugar, tiyak na masasanay na sa biyahe si Lorin kasama ang kanyang mga magulang.
* * *
mailto:a_amoyo@pimsi.net

Show comments