Eric, best supporting ang puntirya, best actor ang nakuha sa MMFF

Hindi inaasahan ni Eric Quizon ang pagkapanalo nito ng Best Actor noong Sabado, December 27 sa taunang Metro Manila Film Festival Philippines 2003 Awards Night na ginanap sa Plenary Hall ng PICC sa Roxas Boulevard.

Habang sinusulat namin ito ay nasa America ang aktor para doon ipagdiwang ang Kapaskuhan sa piling ng mahal nitong ina na doon na naninirahan. Ang inaasahan lamang ng aktor ay magkaroon siya ng nominasyon sa pagka-best supporting actor kaya noong manalo si Victor Neri para sa naturang kategorya ay nasabi daw nito sa kanyang manager sa kabilang linya na tumawag sa kanya na ipagpapatuloy na lamang niya ang kanyang pagtulog. Sumang-ayon naman ang kanyang manager dahil wala naman itong alam na nominado ang kanyang alaga sa best actor category. Nagtaka ito dahil hindi nakasali ang pangalan ng alaga niya sa mga nominado para sa best supporting actor.

Ganoon na lamang ang gulat ng manager ni Eric nang malamang nasa best actor category nakalinya ang kanyang alaga at umapaw ang naramdamang kaligayahan nang iproklamang winner ito sa best actor. Kaya tawag daw uli siya kay Eric para iparating ang magandang balita na ikinagulat naman ng aktor at nagtanong kung bakit ganoon ang nangyari.

Ayon sa aming source, di na sinagot ng manager ang tanong ng kanyang alaga at sa halip ay binati na lang ito at nag-one liner daw ito ng, "Basta, ikaw ang nanalo. Congratulations!" Alex Datu

Show comments