Nakalakihan na niya ang tawag na Token, kaya noong pumasok siya sa showbiz tila nakalimutan na niya ang unang pangalan at tinawag ang mahusay na singer bilang Token Lizares.
Nagtapos ng kolehiyo sa Bacolod si Token. Nagdadalaga pa lamang siya ay nakapagtrabaho na siya sa Prudential at Traders Royal Banks. Sa umaga siya nag-oopisina, sa gabi tuloy ang kanyang singing career.
Naging mainstay si Token sa Manila Garden Hotel music lounge at sa Siete Pecados ng Philippine Plaza Hotel. Nagkakaroon na ng malaking pangalan sa showbiz si Token dito sa ating bansa nang dumating sa kanya ang mga offers na magtanghal sa ibat ibang siyudad sa Asya.
Palibhasay higit na malaki ang kanyang talent fee sa mga foreign stints, sinamantala ni Token ang pagkakataon. Nalibot niya ang mga bansang Singapore, Malaysia, Thailand, Taiwan at Japan.
Bago siya nagsimulang mag-abroad, nakapag-guest na siya sa mga sikat na shows noon tulad ng Penthouse Live, Lala Aunor Show, Suwerte Sa Syete, Student Canteen at Kuwarta o Kahon.
Sa mga singing engagement naman sa buong bansa, hindi siya nababakante. Kaya lamang ay higit na malakas ang tawag ng dolyares kaya biglang pag-alis niya sa local showbiz.
Kung nagtuluy-tuloy siya sa pagkanta sa ating bansa, nahanay na sana siya sa mga leading singers dito at tumanyag na ng husto ang una niyang showbiz monicker na Riza Roma.
Kaya naman sa pagbabalik ni Token sa eksena, parang nag-uumpisang muli ang feeling niya. Kahit nailunsad niya ang comeback album niya na "Ikaw Lamang, Sinta" mula sa Galaxy Records, pakiramdam talaga niya, magtrabaho ng husto para mapansing muli.
Kung tutuusin, hindi na kailangan ni Token ang magtrabaho. Tunay na mahal lang niya talaga ang pagkanta.
"Para bang pinatay ang kalahati ng aking pagkatao kapag tumigil ako sa pag-awit," sabi ni Token. "Sa pagkanta kasi, I can express myself fully well. Singing is really an extension of my entire being. Through this medium, I am able to reach so many people. And it is also through this career of mine that I am able to do a lot of charity works."
Ito kasing si Token, kapag alam niya na ang isang palabas ay para sa simbahan o para tumulong sa mga kapuspalad at ibang nangangailangan, talagang hindi siya nagpapabayad. Pawang gratis et amore ang kanyang performance.
"Sa ganitong paraan kasi maibabalik ko kay Lord ang lahat ng blessings na patuloy niyang ibinibigay sa akin," nakangiting dagdag ni Token.
Meron nang sariling music lounge si Token, ang Saltimboca sa Bacolod, kung saan partner niya ang isang kababayang lady entrepreneur.
Bukod sa pagkanta, busy si Token sa maraming mga charitable groups. Active member siya ng Damas Dela Caridad at Daughters of Charity. Parati siyang tumutulong sa St. Vincents Home for the Aged, Home for the Abused Children at Home for the Boys sa kanyang probinsya.
Bukod sa pagkanta, magaling na composer si Token. Ilan na sa kanyang mga katha ang nai-record nina Pops Fernandez ("Salamat Panginoon"), Eva Eugenio ("Bakit May Ulap Ang Landas").
Noong 80s, kumanta na rin siya ng isang movie theme song para sa The Impossible Kid, ang "What Makes Me Love You".
Nang magkwentuhan kami ni Token this weekend, paakyat siya ng Baguio para sa isang fundraising concert. Pagkatapos ng show sa Pines City, babalik ng Bacolod si Token upang makapiling ang kanyang pamilya sa Kapaskuhan.
Tiniyak sa akin ni Token na lagi siyang may panahon kapag charity shows ang pag-uusapan. Isang world-class entertainer, laging handa ang mabait na Ilongga na i-share ang kanyang talent sa kapakanan ng kanyang kapwa tao.
Ngayon ay sigurado na ang ina ni Token Lizares na tama ang pagbibigay niya sa kanyang anak ng pambihira subalit makabuluhang pangalan.