Ang taong ito ang matatawag na isa sa pinaka-matagumpay ng kumpanya at pinaka-productive kung kaya bilang pasasalamat at bilang maagang selebrasyon na rin ng kapanganakan ni Hesus ay isang masayang pagtitipon ang ginanap sa aming bagong tayong function building.
Tema ng pagdiriwang ay Hawaiian kaya halos lahat ng dumalo ay naka-suot Hawaiian at may mga bulaklak kundi man sa damit ay sa ibat ibang bahagi ng kanilang katawan.
Katulad ng mga nakaraang taon, nangimbita kami ng ilang mga artista na inaakala naming makakatulong para maging mas lalo pang maging masaya at maningning ang aming pagdiriwang. Unfortunately, na-indyan ako ng dalawa sa aking inimbita, sina Sarah Geronimo at Aiza Seguerra. May show raw si Aiza kaya di nakasipot pero, nang imbitahin ko siya ay bukas pa ang kanyang kalendaryo sa petsang ito at mahigit pang isang buwan bago ang aming party. May iba namang pinuntahan si Sarah na ang nangimbita para sa amin ay ang humahawak ng PR ng Viva, ang Cast & Crew na pinamumunuan nina Calvin Neria at Duds Santiago.
Napaka-hirap talagang magimbita ng artista, siguro dahil sa sa tagal ko na sa negosyong ito ay walang producer o artistang malapit sa akin. Sabi ko nga, dadalawa ang kaibigan kong artista, sina Kuya Germs at Ricky Reyes lamang. At gamit na gamit na sila sa mga activities ko. Ako naman hindi nag-iimbita ng artista para sa personal kong mga kadahilanan. Palagi, para sa trabaho lamang. naiindyan pa ako, Kaya nga ayaw kong humawak ng PR, hindi ko ito linya.
Bagaman at dalawa lamang ang ipinangako sa akin ni Ferlin Buenviaje ng Viva na Hot Babes, apat ang dumating, sina Myles, Jayce, Jennifer Lee at Ella V. Napasaya nila ng husto ang aming mga kasama sa trabaho with their Bulaklak number.
Dumating ang R&B Princess na si Kyla ng alas-4:00 ng hapon pero, walang reklamo itong bumalik nang malaman na alas 7:00 pm pa ang party. Hit din siya sa mga empleyado. Ayaw siyang pakawalan pero, marami pa siyang pupuntahan.
Actually, ang bulto ng pag-i-entertain ay nakaatang sa balikat ng mga manggagawa ng PSN at PM. Lahat ng may gustong gumawa ng production number ay welcome. Kapag maganda ang kanilang palabas pwede pa silang manalo ng malalaking cash prize, mula P5000 hanggang P20,000. Bukod pa ito sa maraming malalaking cash prize na ipinamimigay sa raffle.
Ang nanalo ng 1st prize, ang Accounting Dept., ay may open invitation mula kay Kuya Germs na mag-guest sa Master Showman Presents, Sabado, 12:00 ng gabi.Second prize winner ang Circulation Dept. at 3rd ang PSN Editorial Boys.
Bagaman at required na kailangang Hawaiian ang tema ng lahat ng production numbers, nasunod naman ito pero binigyan ng mga bagong interpretasyon ng mga kalahok. Halimbawa, Hawaii 5-0 ang binanatan ng mga taga-Accounting, Bulaklak naman ang sa Circulation samantalang isang Masculados number naman ang ginawa ng mga taga-Editorial na ang lahat ay sinaliwan ng mga popular Hawaiian songs.
Siyanga pala, ikalawang taon na ito na nagsisilbing emcee si Kuya Germs sa aming Christmas party. Tinulungan niya ako sa mahirap na gawaing ito. At si Andy Garcia rin, isa sa mga editors ng PM.