Aleck,takot sa manager ni Bayani

Ayaw na ni Aleck Bovick na magsalita pa tungkol sa di umano’y paninita sa kanya ni Angge tungkol sa sinabi niyang namumuong relasyon nila ni Bayani Agbayani.

Balitang-balita kasi sa ABS-CBN na ipinahiya siya ng manager ni Bayani sa taping ng Okey Fine Whatever.

Ganito raw ang pagkakasabi ni Angge kay Aleck, sey ng aming source: "Ikaw nga, tigilan mo ang kalalandi sa alaga ko ha!"

Umiiyak na nagsumbong si Aleck sa kanyang manager, si Coco.

Hinagilap ko si Aleck sa shooting ng pelikula nito sa Angora Films, Ang Naglalayag na idinidirek ni Mario J. delos Reyes pero ayaw na nitong pag-usapan pa ang nasabing isyu. Katunayan, balak niyang iwasan na si Bayani para matigil na ang isyu sa kanila. Pinasisinungalingan na rin nito na sinita siya at pinagsabihan ni Angge. Aniya ay okey naman daw ang kanilang pagkikita sa set ng Okey Fine Whatever.

Speaking of Naglalayag sa Angora Films, makakasama rito ni Aleck si Nora Aunor, Monalisa, Celia Rodriguez at Yul Servo. Prodyus ito ni Atty. Gaudencio Manalo. Nagsimula na itong mag-shooting nung Nobyembre 18. BONI A. CASIANO

Show comments