Di na pelikula ang inaalok ni Mommy Rose sa mga artista; bahay at lupa na!

Aakalain mo na dahilan sa hindi na siya nagpu-produce ng pelikula ay mawawalan na ng panahon si Mommy Rose Flaminiano ng FLT sa mga artista. Pero, hindi, bukod sa napakaraming OFW na nagpagawa ng bahay sa kanyang Rosmont Executive Villa na matatagpuan sa Tarlac City, may ilang artista rin ang iginawa niya ng bahay dito. Tulad nina Rudy Fernandez at Lorna Tolentino, Aubrey Miles, Maui Taylor, Judy Ann Santos, Robin Padilla at marami pang iba. Si Joyce Jimenez na isa sa mga dumalo sa groundbreaking nito ay tila interesado ring maging kapitbahay ng kanyang mga co-actors at ng mga Tarlaqueños.

Nakita ko ang mga bahay ng mga nasabing artista. Tapos na ang mga ito at may mga kasangkapan na. Hindi man ito kasing-laki ng mga mansyon nila dito sa Maynila, maganda na itong gawing bakasyunan o kaya ay pahingahan kapag may shooting sila o kaya ay galing sila sa malalayong lalawigan sa Norte.

Sa launching nito kamakailan, nagkaroon ng motorcade na talaga namang sinaksihan ng maraming taga-Tarlac. Naging panauhing pandangal ang Gobernador at Mayor ng Tarlac at ang kinatawan ng Pag-ibig sa nasabing lugar.

Nagkaroon ng isang maikling programa pagkatapos ng pagbabasbas at nag-perform sina Dingdong Avanzado, Renz Verano at ilang mga local talents dun. Bumati naman sina Maui Taylor at Joyce Jimenez.
* * *
Sa gulang 15 ay marami nang babae ang nagbibilang ng manliligaw, Si Sarah Geronimo pa kaya na hindi lamang maganda kundi may pambihira pang talento sa pagkanta ang wala?

Pero, totoo ito. Inamin ni Sarah na talagang walang nanliligaw sa kanya. "Mabuti naman dahil di ako papayagan ng parents ko. Isa pa makaka-apekto ito sa aking career. Ngayon pang busy ako at halos wala nang panahon para magpahinga. Pati nga pag-aaral ko ay itinigil ko pansamantala dahil talagang di na kaya ng schedule ko," sabi niya.

Nakatapos na siya ng dalawang pelikula, ang Filipinas na kung saan ay introducing siya at ang Captain Barbell na kung saan ay gumaganap siya ng role ng kapatid ni Ogie Alcasid. May isa pa siyang tinatapos, ang Annie B, na kung saan ay magkapatid sila ni Jolina Magdangal.

Bukod sa kanyang shooting, walang patid ang pagdating ng offer para kumanta, sa TV, mall shows, provincial shows, album promo at mga walang katapusang rehearsals.

Katatanggap lamang niya ng double platinum awards para sa mga awiting "Forever’s Not Enough" at "Broken Vow" na totoo namang napakaganda ng pagkakabanat nila ni Mark Bautista, ang co-finalist niya sa Star for A Night at ibi-build up ng Viva para maging ka-loveteam niya.

Sa Disyembre 7, bibigyan siya ng Viva ng Popsterrific party sa New Fiesta Carnival Activity Center, sa Cubao. Ilulunsad dito ang Sarah’s Fans Club na tatawaging Popsters. Makakasama niya and iba pang Viva Popstars gaya nina Mark Bautista, Jason Velasquez, Tosca Puno, ang all-girl trio na 3YO (Musica, Angeli Mae, Athena), Florie Mae Lucido, Dexter at Ashley.

May registration sa ika-2:30 n.h., ang unang 200 na magpapa-rehistro ay tatanggap ng gift packs.

Sa Dis. 28, mapapanood ang repeat ng Popstar...A Dream Come True sa Ynares Center sa Antipolo kasama sina JayR, Mark Bautista. Pwede nang bumili ng tiket sa SM, Araneta Ticketnet, Video City Antipolo, Rejoice supermarket, Lores, Antipolo at Viva concerts Office.

Kasama siya sa A "Viva Popstar Christmas Album". Sa kanya ang carrier single nitong "A Christmas Story".

Pwede na rin siyang makausap sa SMS. I-text n’yo siya sa 209. Available sa lahat ng Smart at Talk ‘N Text Subscribers.

Show comments