Finalist ng 'Star A Million' nagtarayan na

Handang-handa na ang lahat para sa Happy 50 TV The Concert ng ABS-CBN. Habang sinusulat namin ang column na ito ay almost sold-out na ang ticket sa nasabing concert. Puspusan din ang preparations at rehearsals ng mga artista na kinabibilangan nina Aiai delas Alas, Piolo Pascual, Diether Ocampo, Carlos Agassi, Jericho Rosales, Bernard Palanca at Vina Morales. Ayos na rin ang arrangements sa Ninoy Aquino International Airport para sa pagdating nina Jerry Yan, Vic Zhou at Barbie Xu. Making sure na walang kaguluhang mangyayari.

And to ensure na maayos ang pagpasok ng tao sa Bonifacio Global Field bukas, nagtalaga ang ABS-CBN ng respective entrances para sa iba’t ibang ticket holders. As early as 12 noon ay bukas na ang iba’t ibang gate ng venue para sa maayos na pagpasok ng tao. Sa ngayon ay inaanunsyo na ito ng ABS-CBN sa kanilang Oplan Happy TV The Concert.

Bukas ng umaga na ang dating nina Jerry at Vic. By this time nasa bansa na si Barbie. Mauuna itong dumating dahil may meeting ito with ABS-CBN and Star Cinema executives.

A top ABS-CBN source informed me na "This will be a big party! Lahat magi-enjoy dahil may mga surprises na pini-prepare! Celebration talaga ito."

Happy 50 TV The Concert
will be directed by ace TV director Johnny Manahan.
* * *
Wala pa man ang grand finals ay ma-drama at maintriga na ang Star In A Million. Isa na yata sa pinaka-emotional na episode ay ang ipalalabas bukas. Napanood ko ang taping nito at talaga namang madadala ka sa emosyon ng finalists na nai-eliminate. So as not to preempt tomorrow’s episode, hindi ko sasabihin kung sino ang mai-eliminate.

Sa isa pang episode na napanood ko ay kung paanong tinarayan ni Michell San Miguel ang fellow finalists na si Teresa Garcia. On air ito nangyari at talaga namang na-tense ang lahat ng nasa studio sa tarayang nangyari. Sa susunod na Sabado naman ninyo ito mapapanood.

Dahil naniniwala sila na isa na namang diva ang magi-emerge from Cebu, nangako ng suporta ang mga Cebuano para kay Sheryn Regis na consistent sa weekly ranking. Susugod daw sila sa grand finals sa December para ipakita ang kanilang suporta sa kababayang finalist. Ayaw ding patalo ng mga supporters nina Christian Bautista, Teresa Garcia at Erik Santos.

Hindi lang pala P1 million cash ang mapapanalunan ng grand champion. Magkakaroon din siya ng house-and-lot at recording contract sa Star Records.

Happy naman sina Edu Manzano, Ryan Agoncillo at Zsazsa Padilla sa napakataas na rating ng kanilang programa. Hindi nila ini-expect that they will get such big viewership. Gusto ko nga palang batiin si Direk Bobet Vidanes sa kakaibang istilo niya ng pagdidirek ng Star In A Million.

Open pa rin ang audition para sa Star In A Million tuwing Biyernes from 1 to 5 p.m. sa Studio 12 ng ABS-CBN.
* * *
Ang saya-saya ni Carlos Agassi nang ibalita sa kanya na mataas ang rating na nakuha ng pilot episode ng bago niyang show, ang Victim. Nakakuha ito ng 22% viewership share. Tensyon si Amir (tawag sa aktor) bago umere ang pilot episode dahil mataas ang expectation sa kanya. Laking tuwa niya dahil maganda ang feedback sa kanyang show.

Sa totoo lang, ako man ay aliw na aliw habang pinapanood ito last Saturday. Hindi ko kinaya ang mga situation kung saan nabiktima ang mga artista. I particularly liked yung recording sessions nina Jericho Rosales, Kristine Hermosa, John Prats, Dennis Padilla at Marvin Agustin. Naaliw din ako kay Zsazsa Padilla sa eksena kung saan tinarayan ng wardrobe staff na si Tonette ang make-up artist niyang si Deng Foz. Doon ko nakita na mabait na tao talaga si Zsazsa.

May narinig kaming kuwento na kung hindi nabuking ang hidden camera ay muntik na talagang ma-in-love si Long Mejia sa babaeng nagpakilalang fan niya.

Bukas ay panonoorin ko na naman ang show na ito at aalamin ko kung sinu-sino na naman ang na-victim ni Carlos Agassi.
* * *
You can send your comments and reactions to ericjohnsalut@yahoo.com.

Show comments