Nasa ABS-CBN na ang award-winning actor na si Keifer Sutherland sa pinakabagong Tagalized series ng taon, ang 24.
Magiging bahagi ang 24 ng ABS-CBN Primetime Bida block mula 8:30 hanggang 9:30 ng gabi mula Lunes hanggang Biyernes. Ang 24 ay ang unang US primetime show na maipapalabas na maka-teleserye.
Susunod ito sa Next Level Na! Game K N B? at ng mga teleseryeng Bastat Kasama Kita at Sanay Wala Nang Wakas sa kanilang mga bagong timeslots.
Hitik sa drama, suspense at aksyon, ang 24 ang nangungunang suspense-drama-thriller sa America, nominado sa Emmy Awards at Golden Globe Awards. Bida rito si Kiefer Sutherland bilang Jack Bauer, ang nangungunang ahente ng CTU o Counter-Terrorist Unit, isang sanga ng Central Intelligence Agency na naatasang pumigil sa mga teroristang nasa loob ng Los Angeles.
Umani ng masigabong papuri mula sa mga kritiko ang kakaibang istruktura ng palabas na ito, kung saan susundan natin ang isang araw lamang sa buhay ni Jack at kanyang mga kapamilya at katrabaho. Sa 24, ang isang episode ay katumbas lamang ng isang oras sa araw na ito, at ang isang "season" ay katumbas lamang ng isang araw. Dito sa "real time concept" na ito nagmula ang pamagat na 24 ang bawat segundo ng palabas ay katumbas sa bawat segundo na pinagdaraanan sa buhay ng ating bida na si Jack Bauer.
Ang unang episode ay mag-uumpisa sa tahanan ni Jack kasama ang kanyang asawa na si Teri (gagampanan ni Leslie Hope) at anak na si Kim (gagampanan ni Elisha Cuthbert). Ang kanilang tahimik na gabi ay madaling nasabad ng tawagan si Jack ng kanyang opisina at bigyan siya ng isang bagong problema: mayroong nagbabalak na pumatay kay Senador David Palmer (gagampanan ni Dennis Haysbert), ang pinakamalakas na kandidato para sa eleksyon ng Presidente ng Estados Unidos at ang pinakaunang black na may pag-asang makamit ang posisyon. Sinamahan pa si Jack ng isa pang problema nang kanyang nadiskubreng tumakas si Kim para maglamyerda kasama ng mga kaibigan niya. Dito nag-uumpisa ang pinakamahabang araw sa buhay ni Jack Bauer.
Kasama ni Keifer Sutherland sa palabas sina Sarah Clarke, Carlos Bernard at Xander Berkeley. Tampok rin sa 24 ang mga kilalang aktor tulad ni Dennis Hopper at ang Filipino-American na si Lou Diamond Philips.
Ipapalabas ng ABS-CBN ang unang episode ng 24 ngayong gabi, ika-17 ng Nobyembre, 8:30 ng gabi. Samahan at umpisahan ang kakaibang karanasan ni Kiefer Sutherland bilang Jack Bauer sa 24 sa ABS-CBN Primetime Bida!