Cube, gustong sumikat sa 'Pinas

Madadagdagan na naman ang mga successful Fil/Am artists sa Pinoy music scene. Nakausap ko mismo si Perry Lee Covington, isa sa tatlong myembro ng R&B/hiphop trio na Cube na dumating sa bansa this week.

Determinado si Perry at ang Cube na sumikat sa ating bansa. Narinig ko ang ilang kanta sa kanilang tinatapos na album at talaga namang may karapatan silang tangkilikin ng mga Pinoy music lovers, tulad ng nangyari sa taga-L.A. na si JayR.

si Perry naman ay taga-San Diego, California. Ang kanyang mama ay si Mrs. Linda Covington na taga-Leyte. Na-meet ko rin si Linda na nahuli ng dating sa bansa. Ilang araw lang siya rito, babalik agad sa Tate sa Lunes. Married to an Irishman si Mrs. Covington pero ang kanyang buong pamilya ay pawang mga U.S. citizens.

Kaya si Perry ay nag-aaral sa University of California-Riverside, kung saan malapit ang tahanan ng mga Covingtons. Kahit busy sa kanyang kinukuhang business degree si Perry, may oras naman siya sa kanyang musika at sa grupong Cube na ang mga kasama ay sina Jojo Locanas isa ring Pinoy at Eloy JR Reyes na Guamenian.

Isang singer/composer si Perry at mahigit 100 kanta na ang kanyang naisulat. Walo sa mga kantang ito kasama na sa CD ng Cube na ipinarinig sa akin. Particularly, nagustuhan ko ang isang upbeat R&B number na ang title ay "Bounce". Tiyak na maghi-hit sa bansa ang kantang ito.

Sabi ko nga kay Perry, kapag narinig ni Gary V ang "Bounce" tiyak na gugustuhin niya ring isaplaka. Tutal marami pa namang kantang nagawa si Perry, kaya willing siyang ipa-record naman ito sa kanyang mga co-artists tulad ni JayR.

Tall and good looking si Perry, kaya’t tiyak na sisikat siya sa bansa. Tulad ni JayR, very unassuming si Perry at wala akong na-feel na yabang sa katawan.

Noong una ko kasing nakausap si JayR, hindi pa siya recording artist, alam ko na ring he will surely make it as a singing star.

Isang linggo lang sa bansa si Perry at ang kanyang kapatid na si Allan, pero nagawa rin niyang makapag-guest sa Master Showman ni Kuya Germs sa GMA-7.

Nangako naman si Perry na babalik siya early next year. Sa 2004, kasama na niya ang buong grupo ng Cube. Surely meron na silang recording contract na pipirmahan at maari na silang mag-guest sa mga leading musical shows tulad ng SOP ng GMA.

Kung tutuusin, pwedeng maging solo artist si Perry Lee Covington. He opted to be a member of Cube dahil ang sabi niya higit ang musical security kapag may kasamang mahusay na musicians tulad nina Jojo at Eloy.

Dadag pa ni Perry: "The musical foundation is much stronger with all the varied influences from my co-members of Cube. This factor gives us more substance to produce our own kind of sound."

Ngayon pa lang, excited na si Perry sa pagpunta ng buong Cube sa Maynila next year. Pwedeng meron ng complete line-up of activities ang kanilang forthcoming Manila visit.

Narinig na rin ni Geleen Eugenio ang ilang cuts sa Cube album. Kaya madaling nakumbinse ang sikat na choreographer na siya na ang maging manager ng grupo. Siya rin ang nagma-manage kay JayR. Magiging tatak na bago ni Geleen ang pagiging manager ng mga Fil/Am talents.

Si JayR ang unang minanage na talent ni Geleen at naging very successful naman siya sa Prince of R&B. Si JayR ang fastest-rising new talent in town.

Ang calendar of activities ni JayR ay punong-puno na hanggang first quarter of 2004. Marami pang mga promoter na gusto siyang ma-book sa iba’t ibang live shows.

Special guest si JayR sa Gary V XXTreme Concert sa Araneta Coliseum sa November 28-29.

"To share the same stage with Gary Valenciano is indeed a great honor," sabi ni JayR. "Ito ang isa sa mga fondest dreams eversince at matutupad na."

Show comments