Paalam Yuri,Katrina

Dalawang telenovela ng ABS-CBN ang sabay na matatapos sa buwang ito, ang Darating Ang Umaga at Kay Tagal Kang Hinintay.

Bagaman at parehong sinusubaybayan ang dalawang ito, ang huling binanggit na palabas ang masasabing dahilan kung bakit naging matagumpay ang pelikula ng Star Cinema na My First Romance. Tampok dito ang parehang John Prats at Heart Evangelista at ang tambalan nina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo na sa palabas na ito umani ng higit na popularidad. Hindi lamang nag-No. 1 ang kanilang loveteam, tinanggap din silang mga mahuhusay na artista sa kabila ng kanilang kabataan.

Inamin ni John Lloyd na bagaman at nasisiyahan siya dahil matatapos na rin ang napakahirap na preparasyon na ginagawa niya para sa pagganap sa role ni Yuri, mami-miss niya ito. "Malaking pagbabago ang ginawa niya sa aking buhay at career. Nalulungkot din ako na maghihiwa-hiwalay na kami sa show, para rin kaming isang pamilya na pinaglapit ng aming trabaho," sabi ni John Lloyd.

"Mami-miss ko yung naging pagsasama namin, yung pagkain namin ng sabay-sabay, yung mga payo nina Lorna Tolentino at Johnny Delgado, yung bonding namin ni Rica (Peralejo) na naging bestfriend ko dahil sa show, yung pagpapahiram sa akin ng cellphone charger ni Alwyn (Uytingco) at most of all, yung pagpapayo sa akin ni Direk Lauren Dyogi na parang naging ama ko na," ani Bea naman.

Bagaman at may lungkot na nadarama sina John Lloyd at Bea na hanggang sa pagtatapos ng serye ay napanatili ang kanilang friendship sa kabila ng maraming intriga at kontrobersya dahilan nga sa pagkakaroon ng girlfriend ni John Lloyd sa katauhan ni Ciara Sotto, ang tagumpay ng kanilang pelikula sa takilya na nag-akyat ng P8M sa unang araw ng pagpapalabas nito ay isang indikasyon na tanggap ang kanilang screen team-up. Sa ngayon, mayroon nang follow-up movie ang nasa planning stage bukod pa sa may kasunod silang serye na gagawin after Kay Tagal...
* * *


Kagabi lamang napanood ko sa TV yung mga bayarang taga-iyak sa mga lamay ng patay ng mga Tsino. Totoo palang career ito para sa iba nating mga kababayan. Pero, bakit Pinoy, wala bang professional na taga-iyak na Chinese? Pilipino lang ba ang nangangailangan ng pera?

Anyway, from last night, napatotohanan ko na, totoo pala ang Crying Ladies, ang titulo at tema ng pelikula na pang-MMFFP ng Unitel Pictures na nagtatampok kina Sharon Cuneta, Hilda Koronel at Angel Aquino. At kung ano ang nagtulak sa isang Megastar para gumawa ng pelikula outside of Viva and Star Cinema ang siya kong gustong malaman.

Tungkol sa tatlong magkakaibigan na ang trabaho ay umiyak sa mga lamay ng mga negosyanteng Tsino. Si Sharon si Stelle Mate, gustong kumita para makuha ang custody ng kanyang anak na lalaki; si Hilda si Aling Doray, forever tsaperon ng kanyang anak na babae na nag-o-audition para sa komersyal at si Angel si Choleng, biktima ng sexual abuse ng asawa ng kanyang kaibigan.

Ito ang istorya ng tatlong Crying Ladies na nasa direksyon ni Mark Meily at produced ni Tony Gloria.Istorya rin ito ng kanilang pag-asa at tagumpay. Sa huli, nakita rin ng tatlo ang kanilang tamang lugar sa ilalim ng araw.
* * *
Napili na rin ang cast ng Urinetown, isang musical comedy ng Atlantis Productions tungkol sa dalawang kabataan na na-in love sa isang city na nasa kalagitnaan ng isang water shortage. Lahat ng CR ay pag-aari ng isang corrupt na kumpanya at ang publiko ay kinakailangang magbayad para makagamit nito.

Napili para bumuo ng cast si Jett Pangan, bilang officer Lockstock, Jinky Llamanzares, ng Miss Saigon at The Who’s Tommy bilang Penny Wise, Cathy Azanza at Noel Rayos bilang Hope at Bobby, Michael de Mesa as Cladwell B. Caldwell, at marami pa.

Si Bobby Garcia ang direktor. Lighting design by Gerry Fernandez, musical direction by Manman Angsico at choreography ni Val Trono.

Magsisimulang mapanood sa Disyembre 5. Para sa iba pang detalye, tumawag sa 8927078.
* * *
Matapos ma-triple XXX, nabigyan ng R18 rating ang Liberated ng Seiko Films na naglulunsad kina Francine Prieto at Christian Vasquez.

Kung sabagay, marami ngang paghuhubad at lovescenes na makikita sa pelikula, between Christian and Francine, Christian and Diana Zubiri, Diana at maraming pang male stars pero, maganda ang pagkakagawa ni Mac Alejandre ng pelikula kung kaya hindi ito lumabas na masagwa, bagkus. At kahit may mga total nudity wala namang nakitang maseselang bahagi ng mga katawan ng kahit na sinong star ng pelikula, except of course for breast exposures and kissing scenes na karaniwan na sa mga bold movies.

Nakalikha na naman ang Seiko ng mga bagong bold stars sa katauhan nina Francine at Christian, lalo na ang huli na talaga namang ipinakita ang mala-Adonis niyang pangangatawan.

Show comments