ABS-CBN, naghakot sa CMMA

Nag-uwi ng maraming karangalan ang ABS-CBN at ang mga subsidiaries sa nakaraang 2003 Catholic Mass Media Awards na ginanap kamakailan sa Henry Lee Irwin Theater ng Ateneo de Manila University. Nagkamit dito ng 17 awards ang ABS-CBN.

Ang TV Patrol ay nanalong Best News Program. Ang Patrol, na ina-anchor nina Korina Sanchez at Julius Babao, ang highest-rated at pinaka-long running news program sa telebisyon.

At napag-usapan na rin ang pagiging long-running, nanalo rin ang walang katulad na Home Along da Riles ng CMMA Trophy for Best Comedy Program. Nagpapatuloy ang kwento ng Home Along da Riles at ni Kevin Cosme sa Home Along Da Airport, na sinimulan ngayong 2003.

Ang nangungunang fantasy series na Wansapanataym ay pinarangalan din ng CMMA sa pamamagitan ng Best Children’s Program Award. Palabas kada Linggo ang Wansapanataym, na nanalo rin kamakailan sa Star Awards.

Matapos ding manalo sa Star Awards ang teleseryeng Kay Tagal Kang Hinintay ay binigyan din nito ng tropeo ang Maalaala Mo Kaya na nasa CMMA Hall of Fame na ngayon.

Ang musical special na "Lagi Kitang Naaalala", isang co-production ng ABS-CBN at CCP, ay nanalo naman ng Best TV Special. Ang "Lagi Kitang Naaalala" ay isang pagbabalik-tanaw sa National Artist na sina Levi Celerio, Atang dela Rama at Lucio San Pedro.

Nanalo naman ang nangungunang UHF channel na Studio 23 para sa coverage nito ng UAAP Cheering Competition, bilang Best Sports Show.

Sa radyo naman, nagwagi ang DZMM ng 3 CMMAs para sa Radyo Patrol Balita (Best News Program for Radio), Sikapinoy (Best Business/News Feature for Radio) at sa special report series Update Iraq (Best Special Event Radio Coverage for Radio).

Sa mga subsidiaries at sister companies naman, naka-tatlo rin sa news categories ang ABS-CBN News Channel para sa ANC Usapang Business, ANC Good News at Straight Talk with Chito Beltran. Nag-uwi naman ng Best Album Award ang Star Records para sa "Awit ng Ina" ng Santa Rosario. ABS-CBN Foundation, sampu ng ad agency na BBDO ay naparangalan naman para sa Best TV and Outdoor AD ng Bantay Usok. May Special Citation naman para sa ABS-CBN’s Regional Network Group at ang talk show ng TV-4 Cebu na Chikahay Ta. At tumanggap naman ng CMMA Best Movie ang box-office hit na Dekada ‘70 para sa Star Cinema.

Show comments