Huling bigwas sa PMPC TV Star Awards

Mula nang matapos ang maalingasngas na TV Star Awards, nagkaroon ng maraming ilusyon itong pangulo ng PMPC na si Julie Bonifacio. Ngayon naman, tila isa siyang GMA executive at binigyan niya ako ng bagong tungkulin as PRO ng nasabing network.

Sinulat pa ni Julie na PRO ako ng GMA kaya’t nagri-reklamo ako sa resulta ng TV Star Awards. Ang kaso, hindi ako PRO na tulad ng ilusyon mo kaya nakakahiya at baka mapagbintangan ako ng usurping somebody else’s position. Kung hindi mo alam ang kahulugan ng usurping, dapat alamin agad at baka sakaling ginagawa mo na ito!

Alam mo Julie, kahit ano pang resulta ng TV Star Awards–nanalo man ng mga tropeo sina Gladys ng Eat Bulaga o si Bayani ng MTB, o kaya’y napiling Best Newscaster si Madam Ratsa (Baby de Guzman) na hindi man lang ninyo napansin–wala kayong maririnig sa akin. Choice ninyo ang winners, kaya’t karapatan ninyo ‘yan dahil kayo ang nagbibigay ng awards.

Ang kaso lang, maraming mga usapan tungkol sa mga anomalya na galing mismo sa mga myembro mo. Ibig sabihin, hindi naging malinis o maayos ang proseso ng pilian ng mga nanalo.

Nabanggit mo na rin lang ang pagpi-PR, sa mga taga-PMPC ko mismo nalaman na majority sa 26 voting members ng TV Star Awards 2003, may mga hinahawakang mga shows sa iba’t ibang networks. Ayan, malinaw na nilahat ko ang mga TV stations at hindi lamang isa.

Sabi pa mismo ng mga lehitimong kasapi ng club mo, marami sa mga bumotong ito ang tumatanggap hanggang P30,000 buwan-buwan sa mga hawak nilang palabas. Ang malaking question mark, bakit pinayagan mong makaboto sa pilian ng winners ng TV Star Awards ang mga nagpi-PR na "voting members" na ito???!!!

Nasaan ang iyong command responsibility? Ang dasal ko lang, sana hindi ka kasali sa mga may hawak na TV shows. At nasaan ang mga delikadesa ng mga taong bumoto, gayong involved sila sa mga mismong mga finalists ng TV Star Awards?

Kung pinigilan mo naman kayang bumoto ito, na sadyang hindi mo ginawa at kung sa anong personal mong dahilan, may matitira pa sa sinasabing 26 voting members? Pakisagot nga Julie, kung ilan pa ang eksaktong matitira. ’Yon namang sagot ng buong katapatan. Sana naintindihan mo rin ang ibig sabihin ng katapatan o honesty. Nag-English na ako para higit na malinaw.

Ako naman, kung sakaling tumanggap ako ng PR job kahit saan mang network, hindi dyahi. Hindi ako voting member ng TV Star Awards. Hindi labag sa kagandahang asal at hindi masasabing wala akong delikadesa.

Ito na ang huli kong pagsulat tungkol sa isyu, but read this short anecdote please.

Minsan, naisakay ako ng isang taxi na ang driver ay makwento. Habang nasa byahe, nabanggit niyang madalas magkasakit ang kanyang mga anak at sa mga gamot lang nauuwi ang kanyang mga kinikita.

Pagdating ko sa bahay, nagulat ako sa nakita ko sa taxi meter na aking babayaran. Halos doble sa regular kong binabayad sa ganoon kahabang distansya.

Diniretso ko ang driver at sinabing masyadong mabilis ang metro niya. Buti naman umamin agad at sinabing kung ano lang daw ang talagang binabayad ko ang ibigay sa kanya.

Bago bumaba, tinanong ko ang mamang driver kung naniniwala sa karma. Oo ang sagot niya. Ang sabi ko, baka kaya parating may sakit ang mga anak niya dahil sa panloloko niya sa metro. Iyon na ang pinakakarma sa kanya!

Ang tao kasi, kapag pawang mga negative vibrations at mga bagay na masama ang naipon sa katawan, negatibo rin ang karma. Hindi man ang sarili niyang katawan ang maka-absorb nito, mas posibleng ang mga anak niya o ibang mahal niya sa buhay ang magdudusa sa kanyang kabuktutan.

Maganda pa rin ang gumagawa ng mabuti o lumalaban ng parehas kahit sa showbiz o saan mang larangan.

Sa konting halaga ng pandaraya, higit na malaki ang sisingilin kapag bumwelta na sa iyo o sa iyong mga kaanak.
* * *
Habang tumatagal ang bagong teledrama na May Puso Ang Batas na topbilled by Sen. John Osmeña, pataas nang pataas ang rating nito.

Ewan ko ba sa aking mga neighbors kung bakit nakatutok na sa May Puso Ang Batas tuwing Linggo, 8-9 ng gabi sa RPN-9.

Show comments