'Milan' di isinali sa filmfest dahil baka ibasura na katulad sa Dekada 70'

Ang ‘di matibag na pangarap ng isang paslit na may kapansanan ang kukunan ng inspirasyon ngayong gabi sa Maalaala Mo Kaya sa kwento ng buhay ni Fatima Soriano. Isang biktima ng retrolental degenaration (isang sakit sa mata na nakapagpapabulag) at ng end-stage renal failure sa murang edad na 10 taong gulang, si Fatima at ang kanyang paglaban para mabuhay ng normal sa harap ng matinding pagsubok ang puso ng episode na ito.

Dahil na rin sa ganda ng kwento ni Fatima, dalawang matinding artista ang nagsamang muli para gumanap sa papel na magulang ni Fatima, ang multi-award winning actor na si Albert Martines at ang Star Award Best Drama Actress Snooky Serna. Si Moreen Guese naman ang gaganap na mapaghamong papel ni Fatima.

Ang kwento ng buhay ni Fatima ay malapit sa puso ng marami sa Maalaala Mo Kaya staff. Sa katunayan, naging interesado ang programa na i-feature si Fatima bilang unang non-celebrity story pagkatapos ng mahabang streak ng celebrity biography pagkatapos mapanood ang pag-awit ni Fatima sa Sunday TV Mass kung saan si Father Jerry Orbos ang nag-celebrate ng Misa. Umabot na rin kay Ms. Charo Santos-Concio ang paghanga kay Fatima dahil kamakailan ay binisita niya ito.

Ang The Fatima Soriano Story ay dinirek ni Bb. Joyce Bernal at mula sa script ni Gilbeys Sardeja.
*****
Nakatakdang magsama sina Boy Abunda at Cristy Fermin sa The Buzz anytime ngayong November. Mamamaalam na ang Showbiz Sabado sa ere sa November 1.

Ang balita, sa November 23 nakatakdang i-welcome sa show si Tita Cristy at ilan sa mga staff ng S2 ay kinuha rin ng The Buzz. Ang iba naman ay inilagay sa iba’t ibang programa ng ABS-CBN.

Sina Tito Boy at Tita Cristy ay tinanghal na Best Showbiz Oriented Talk Show Host sa 17th Star Awards for Television.
*****
Kung tutuusin pala ay pwedeng-pwedeng ihabol ng Star Cinema ang Milan: A Love Story bilang entry sa Metro Manila Film Festival Philippines ngayong December. Tapos na tapos na pala ang movie at kahanga-hanga raw ang outcome nito. Nakakabighani raw ang mga eksena nina Claudine Barretto at Piolo Pascual na kinunan sa Milan, Italy. Ibang Claudine at Piolo ang mapapanood ng publiko sa pelikulang ito.

Nagdesisyon ang Star Cinema management na huwag na lang itong ihabol sa festival dahil may nakarating na balita na hindi rin ito makakakuha ng magandang treatment sa mga organizers ng festival. Matatandaan na last year ay halos ibasura ng MMFF ang entry ng Star Cinema, ang Dekada ’70 na ngayon ay tinatayang isa sa pinakamatagumpay na pelikulang Pilipino dahil sa dami ng awards na nakuha nito. Vindicated ang Star Cinema sa pang-aapi na sinapit sa mga MMFF.

Okey kay Olivia Lamasan, direktor ng movie na i-showing na lang ito sa February. Gusto rin ni Direk Olive na mapaganda nang husto ang kabuuang pelikula.

Dahil nga walang entry sa MMFF, happy ang mga kaibigan namin sa Star Cinema dahil wala raw silang sakit ng ulo at magkakaroon sila ng panahon para makasama ang kanilang pamilya sa Kapaskuhan. But we heard na all out ang suporta ng Star Cinema at ABS-CBN sa movie ni Sharon Cuneta, ang Crying Ladies isa sa official entries.
*****
Very aggressive talaga si Johnny Manahan sa pag-develope ng new stars. In fact, puspusan ang regular auditions na isinasagawa ngayon ng Recruitment Division ng ABS-CBN Talent Center. Early next year ay isang bagong batch ng Star Circle ang nakatakdang i-launch. Pero bago ang launching, 30-day training and workshop ang pagdadaanan ng mga mapapasama sa training batch. Ang training ay isasagawa ni Ms. Beverly Vergel.

Kaya kung sa tingin ninyo may calling kayo para maging artista, punta na kayo sa ABS-CBN Talent Center, DTC Building 6th floor tuwing Martes at Huwebes mula 2-6 ng hapon at hanapin si Christian Torio. Magdala ng resume at photo at kung may talent sa singing, magdala rin ng minus one.

Show comments