Pero isang bagay ang matagal nang pinapansin ng mga tao sa industriya tungkol sa Metro Manila Film Festival. Lagi nilang sinasabi na ang kinikita ng festival ay para sa Mowelfund, Anti-Piracy Task Force at iba pang beneficiaries. Pero taun-taon kahit na sinasabi nilang mas malaki ang kinikita ng festival, hindi naman ganoon kalaki ang ibinibigay nila sa beneficiaries nila.
Tama rin naman sila dahil sa kinikita ng festival din naman nila kinukuha ang gastos sa pagdaraos ng awards, ng parada at ang iba pang gastusin nila. Pero pera ito ng bayan, kasi buwis iyan eh. Palagay namin dapat ay binubuksan din nila sa bayan kung magkano ang ginagastos nila sa mga iba pang bagay na may kinalaman sa festival.
Matagal nang napupuna iyong mga magagastos na meetings na ginaganap sa mga malalaking hotels, yong ibang masyadong malaking gastos at kung anu-ano pa, na kung iisipin ay maaari nga namang tipirin nang madagdagan naman ang ibinibigay nila sa mga beneficiaries.
Noon pa tinatanong iyan, pero hindi namin malaman kung bakit hindi pinapansin ng organizing committee ng festival ang noon pang sinasabing dapat sabihin din nila kung magkano ang gastos nila sa pagbubuo ng festival.
Hindi ba mas maganda kung maliwanag ang kwenta?
Nakakwentuhan nga namin ulit si Kuya Germs, at nasabi niya sa amin na umaasa pa rin naman daw siya na isang araw ay matutupad din ang commitment sa kanya ng management ng Channel 7 na bibigyan siya ulit ng oras para matulungan ang mga baguhang discovery niya. Gusto lang naman nyang matulungan ang industrya na makadiskubre ng mga bagong stars. Hindi naman niya inaangkin ang mga stars na yon. Pero darating pa nga kaya yon Kuya Germs, eh mas una nilang binigyan ng shows ang mga recruit nila mula sa Channel 2?