Balik-rehab ang aktor

Akala namin ay hindi na muling gagamit ng ipinagbabawal na gamot ang sikat na young actor gaya ng ipinangako sa kanyang mga magulang na sikat ding celebrities.

Pero may nakapagbulong na balik-rehab na naman daw ito dahil balik na naman sa masamang bisyo. Aktibo na sana ito sa showbiz at gumandang muli ang career at naging visible sa telebisyon at pelikula.

Nagkaroon pa nga ito ng love child kaya inaakala ng marami na tuluy-tuloy na ang pagbabago nito pero talagang hindi yata kayang kontrolin ang paggamit ng ipinagbabawal na gamot. Ano na naman kaya ang kanyang problema? Dapat talagang nakatutok sa kanya ang walang sawang pagsubaybay ng kanyang ama at ina na pareho ring abala sa showbiz. Kunsabagay, nasa wastong gulang na ang young actor at alam na niya kung ano ang tama at mali kung talagang gusto niyang gumanda at maging matatag ang buhay.
Donita, Ipinaglalaba Ang Asawa
Isang mabuting asawa ang ginagampanan ngayon ni Donita Rose kay Eric Villarama. Kapag nasa Singapore ito ay inaasikaso nito ang pangangailangan ng asawa at katunayan ay ipinaglalaba pa nga niya ito bukod pa sa mga gawaing-bahay.

Nagla-line produce ng isang pelikula si Donita kung saan isang kaibigan niyang taga-Guam ang magiging producer. Big-budgeted ang movie kaya excited na ito sa pagkuha ng mga artista at production staff.

Sa kabilang banda, sa bansa magseselebreyt ng Kapaskuhan ang mag-asawa dahil tatayong ninang si Donita sa anak nina Ruffa Gutierrez at Yilmaz Bektas na bibinyagan sa bansa.
Ratsada Ang Career
Bukod sa paboritong endorser si Cogie Domingo ay abala rin ito ngayon sa paggawa ng pelikula at paglabas sa telebisyon. Dalawa ang movie nito – ang Kuya at Mano Po 2 para sa Regal Films. Nakalinya na rin ang Bayan mula sa direksyon ni Joel Lamangan. Ang bentahe kasi ni Cogie ay ang kahusayan niya sa pag-arte – mapa-drama man o mapa-komedi. Kahit si Mother Lily ay paborito siyang kunin dahil para sa produ ay may lalim ang akting ng young actor.
Nag-Bold Si Victor
Napanood namin ang pelikulang Bugbog-Sarado at hindi kami magtataka kung nasisigawan ni Direk Joel Lamangan si Andrea del Rosario dahil hindi ito makapag-concentrate sa kanilang shower scene ni Victor Neri.

Nakahubad ang dalawa kung saan inaming plaster lang ang nakatakip sa maselang bahagi ng katawan habang magkalapat ang kanilang katawan.

Mabuti na lang at hiwalay na sila ni Angelika dela Cruz at Victor dahil sakaling mag-on pa sila at ganitong nag-bold si Victor ay baka nagwala ang magandang aktres sa galit.
Tracy, Gumimik Lang
Kagagaling lang ni Tracy Torres sa kanyang demonstration rally nang dumalo sa aking kaarawan noong Oktubre 16. Sinabi niyang hindi naman siya anti-Bush kaya lang, may reklamo ito tungkol sa pagtrato ng mga Amerikano sa mga Amerasians na gaya niya.

Pero may nagpapalagay na gumimik lang si Tracy para sa promosyon ng kanyang bagong pelikula. Sa kalipunan ng mga sexy stars ay class ang beauty nito at hindi yung tipong bastusin. Maswerte nga ang manager nitong si Ed Alcantara dahil kahit minsan ay hindi siya binigyan ni Tracy ng sakit ng ulo. Nanatili itong propesyonal pagdating sa trabaho ayon pa sa kanyang manager.

Show comments