Nasa Milan sila sa kasalukuyan, pero nakapagsyuting na sila sa Rome at sa Venezia. Ayon kay Piolo nang makausap namin ay wala silang sinasayang na oras at tulong-tulong nilang pinagaganda ang pelikula.
"Okey lang kami rito, everyday ang shooting, we have to finish kasi all the sequence here, may time table kaming sinusunod.
"Walang problema kahit everyday kaming nagtatrabaho dahil malamig naman, okey na okey si Claudine, mabait siya," sabi pa ni Piolo.
Kapag bumabalik sila sa hotel ay ang panonood ng TFC ang kanilang pinaglilibangan. Nakaaabot din sa kanila ang mga nangyayari dito, napapanood din nila ang mga shows ng ABS-CBN.
Masaya si Piolo nang makausap namin dahil nag-text sa kanya si Direk Chito Roño. Ibinalita nito sa kanya na ang pelikulang Dekada 70 ng Star Cinema kung saan siya tinanghal na grand slam best supporting actor ng taon ang napiling ipadala ng Film Academy of the Philippines para sa foreign language film category ng Annual Academy Awards (Oscars).
Maligaya si Piolo dahil bahagi siya ng nasabing pelikula at ito ang nagbigay sa kanya ng karangalan para maging premyado sa larangan ng pagganap.
"Malaking karangalan yun para sa atin. I hope it makes good, manalo sana ang movie," sabi pa ng batang aktor.
Kinumpirma niya na hindi na susunod sa kanya sa Italy ang kanyang ina at kapatid. May show naman siya sa States sa Nobyembre at sa Disyembre, kaya saka na lang sila magkikita-kita.
"Puro trabaho kami rito, wala pang shopping, baka magawa na lang namin yun kapag pauwi na kami when everything is finished na," dagdag pa ni Piolo.
Pagbalik niya dito sa October 3 ay trabaho na agad siya kinabukasan. May show siya sa Mimosa sa Clark-Pampanga at kailangan na rin niyang tapusin ang kanyang second album sa Star Records na ang tatlong kanta ay personal na ginawa para sa kanya ni Ogie Alcasid.
Ito ang unang matagalan nilang paghihiwalay mula nang maging magkarelasyon ang dalawa kaya hindi sila sanay. Nung magbakasyon sa Canada si Claudine ay magkasunod ang aktor. Hindi magawa yun ni Raymart ngayon dahil sa tuluy-tuloy na taping ng serye at sitcom nito.
"May phone naman para magbalitaan kami, nakaka-miss lang, pero he knows naman that this is work," sabi sa amin ni Claudine.
Siguradong isang magandang pelikula na naman ang ibibigay sa publiko ng Star Cinema mula kina Piolo at Claudine. Bukod sa maganda na kasi ang istorya nito ay mabibigyan pa tayo ng pagkakataong makapunta sa Europe sa pamamagitan ng pelikula, dahil ang mga pinipili nilang location ay sa mga babasahin at postcard lang natin madalas na makita.
Hindi na rin kailangang lagyan ng maromantikong anggulo ang tambalan nina Piolo at Claudine, napatunayan na ng dalawa na kaya nilang magdala ng proyekto, kahit walang elemento ng relasyon sa pagitan nila.
"This is a feel-good movie, were sure the public will like this, saka iba talaga kapag kinunan ang movie abroad, dagdag attraction yun for the project," sabi ni Claudine Barretto.