Alma,ipinagtanggol si Joey laban sa akusasyon ni Kris

Kabababa lang namin ng telepono bago namin sulatin ang kolum na ito, si Alma Moreno ang nakakwentuhan namin, matagal naming tinutukan ang iskandalong nagaganap ngayon sa pagitan nina Mayor Joey Marquez at Kris Aquino.

Ikinuwento niya sa amin ang itsura ni Yeoj, ang kanilang panganay ni Mayor Joey, nang umuwi ito ng bahay mula sa iskwela.

Nakataas ang kanang braso ni Yeoj, "Joey pa rin! Joey pa rin!" isinisigaw ng bata.

"Na-touch ako sa nakita ko, nakita ko kasi ang pakikipaglaban ng anak ko para sa daddy niya. Marami raw kasing nagtatanong sa kanya sa school kung totoong nanunutok ng baril at nambubugbog ang daddy niya.

"Natural, hindi ang sagot niya, umaangal siya, dahil kilala niya ang daddy niya! Anak ’yun, hindi natin maiaalis kay Yeoj ’yun," seryosong pahayag ni Alma.

Mali ang iniisip ng marami, nang pumutok ang balitang hiwalay na sina Mayor Joey at Kris, lalo na nang magsalita na si Kris para sabihing sinaktan ito at tinutukan ng baril ng aktor/pulitiko ay inakala ng marami na sasamantalahin na ni Alma ang pagkakataon para balikan si Mayor Joey.

Pero baligtad ang naganap, siya pa ang nagdepensa sa nakahiwalay niyang asawa. Siya pa ang nagsabing sa 12 taong pagsasama nila ni Mayor Joey ay hindi siya sinaktan at lalong hindi natutukan ng baril nito.

"Sa totoo lang ako, sa pansariling karanasan lang ako. Hindi ko sinasabing sinungaling si Kris, pero sa tagal ng pagsasama namin ni Joey, hindi talaga nangyari sa akin ang sinasabi ni Kris na nangyari sa kanya ngayon.

"Hindi ko kinakampihan si Joey, tinatanong n’yo ako, kaya sinasabi ko lang ang totoo base sa experience ko," sabi ni Ness.
* * *
Ayon kay Alma ay siya ang tunay na biktima sa mga nagaganap na ito, siya ang natapakan at nasaktan nu’ng magsama na sina Mayor Joey at Kris, pero hindi na lang siya nagsalita.

"Hindi bale nang naging tanga ako noon, okey lang, dahil ang iniisip ko, ang kapakanan ng mga anak ko. Kung patuloy akong magsasalita nang laban kay Joey, ang mga anak ko ang maaapektuhan.

"Anumang ganda at sama ng mga salitang sasabihin ko, ang mga anak ko ang magdadala at apektado, kaya mas pinili kong manahimik na lang kahit masakit na masakit na ang loob ko," katwiran ng aktres.

‘Yun din ang payo ngayon ni Alma kay Kris, pati na kay Mayor Joey, para matapos na ang napakalaking iskandalong ito.

"May mga anak silang pareho kaya hindi lang sila ang apektado sa mga nangyayari ngayon. May Joshua si Kris, dinadala rin ng anak niya ang mga nangyayari ngayon sa kanya.

"Kaya para matapos na ang kaguluhang ito, mag-usap na lang sila ng maayos, silang dalawa lang naman ang makatatapos sa problemang ito, eh," opinion ni Alma.

Ipinararating niya kay Mayor Joey ang mga salita ng suporta, ginagawa niya ito ngayon hindi na para sa kanilang dalawa, kundi para sa kanilang mga anak na alam niyang naaapektuhan ng mga pangyayari.

"Ganito rin ang sitwasyon ko noon, walang naniniwala sa akin, pero ipinagpasa-Diyos ko na lang ang lahat. Masakit at mahirap, pero kinaya ko.

"Ang feeling ko noon, eh, nag-iisa na lang ako, pero okey pa rin, tinanggap kong lahat ang sakit. Sila naman ngayon ang nagkakagulo, nasa kanilang dalawa na ang problema ngayon, pero hindi ko pwedeng pagkaitan ng suporta si Joey dahil sa mga anak ko.

"Ayokong makitang umiiyak ang mga anak ko nang dahil sa daddy nila, kaya nagsasalita ako ngayon," sabi pa ni Alma.

Show comments