After VRB,target ni Bong ang senado

Hindi man sabihin ni Bong Revilla, obvious na may balak siyang tumakbo bilang senador sa eleksyon ng 2004. Kitang kita ito sa selebrasyon na ginawa niya para sa kanyang birthday nung Huwebes ng gabi sa Grand Boulevard Hotel.

Napaka-garbo ng party, ikalawang selebrasyon niya ayon na rin kay Bong (may nauna nang isa) at nakita niya na kinakailangan niya ng mas malaking lugar sapagkat halos hindi magkasya sa Stargazer ang kanyang mga bisita na kung tutuusin ay hindi naman ganun karaming taga-showbiz ang dumating. Mas maraming mga pulitiko ang naroro’n, isang indikasyon na suportado nila si Bong sa susunod nitong laban sa pulitika. Kumpleto rin ang pamilya Revilla/Bautista, mula kay Senador Ramon hanggang sa kanyang mga kapatid. Syempre, narun si Lani Mercado para tulungan ang mister niya na mag-host ng party. Tumulong din ito sa pag-i-emcee ng programa kasama sina Ate Glow at Portia Ilagan. Ang daming performers at banda.

Sa dami ng tao, nakapagtatakang, di naubusan ng pagkain at inumin. Masaya si Bong na naging matagumpay din sa kanyang pagiging chairman ng VRB. Mahihirapan ang sinumang papalit sa kanyang pwesto na maging kasing effective ni Bong.
* * *
Nakikiramay ako sa pagyao ng aking kaibigang si Inday Badiday kahapon ng hapon matapos ang ilang buwang pagkakaratay sa banig ng karamdaman.

Nagpapasalamat na lamang ako at bago siya binawian ng buhay ay nagkasama pa kami sa kanyang engrandeng kaarawaan na ibinigay ng kanyang mga kapatid at kaibigan kamakailan lamang. Kung isang senyales man yung pagsasama-sama naming lahat. Friends, colleagues and family, that it would be her last birthday celebration, at least nakita namin na masaya siya.

Namatay si Inday sa St. Luke’s Hospital pero, bago ito ay sumailalim siya nun sa isang heart bypass at recently dialysis.

Walang narinig na balita tungkol sa pagkakasakit ni Inday. Isang indikasyon that all was not well with her ay ang hindi niya paglabas sa kanyang programang
Heart To Heart sa GMA. llang replacements din ang nakita ng manonood bago nila nabatid na may masamang nangyayari sa napaka-bait at magaling na TV and radio host.
* * *
Binata na si Patrick Garcia. Leading man material na siya at maituturing na isa sa pinaka-guwapong aktor sa industriya.

Ang bentahe ni Patrick sa kanyang mga kasabayan ay ang kanyang galing sa pag-arte. Mayro’n na naman siyang nominasyon sa Star Awards para sa Best Actor para sa kanyang seryeng Darating Ang Umaga na kung saan ay isang adult role na ang kanyang ginagampanan opposite Jodie Sta. Maria.

Kilala rin sa sports world si Patrick, isang afficionado ng motocross at badminton.
* * *
Ang galing-galing naman palang kumanta ni Jed Maddela. Swerte ang Universal Records na maisama siya sa roster nila ng mga artists. Nag-enjoy ng husto ang press at mga bisitang dumalo sa kanyang album launching sa Dish Rockwell. Sa kabila ng napakaraming awitin na ginawa niya, hindi nagbago ni bahagya man ang kalidad ng boses niya. Lalo pa itong nagiging maganda habang tumutulo ang pawis niya.

Sampung awitin ang nakapaloob sa album, binubuo ng mga komposisyon nina
Vehnee Saturno, Ito Rapadas, Jimmy Antiporda at Ogie Alcasid.

At napaka-swerte ni Jed dahilan sa sinuportahan ang launching niya ng mga kapatid niya sa Primeline tulad nina
Lani Misalucha, 604 at Karylle, Bigay hilig ang pag-awit ni Jed, talagang pinasikatan ang pamilya niya na marami ang galing pa ng probinsya at naroroon sa audience.

Show comments