Gaano kahusay na aktor si John ?

Isa si John Estrada sa mga nominado bilang best actor ng Star Awards For Television. Pinahanga niya ang mga myembro ng PMPC sa seryeng Kay Tagal Kang Hinintay, kaya pumasok ang kanyang pangalan sa nominasyon.

Magandang pamimili dahil angat ang pagganap ni John sa serye bilang si Boris, marami ang humahanga sa intensibo niyang pag-arte, malayung-malayo sa kanyang imahe noon bilang komedyante ng Palibhasa, Lalake.

Panahon na nga para bigyang-halaga ang mga pagsisikap ni John, nakita na namin ang kanyang husay sa pagganap noon sa Ipaglaban Mo, pero mas marami ang nagkakagusto sa kanya ngayon bilang kapareha nang nominado rin sa pagka-best actress na si Lorna Tolentino.

Kung mapapansin, ang galing sa pag-arte ni John ay mas lumutang nang maghiwalay sila ni Janice de Belen. Totoo nga ang kasabihan na kapag dumadaan sa matinding pagsubok ang artista ay lumalalim ang kanyang pagganap.

Malalim na kasi ang kanyang pinaghuhugutan, nakikita na kasi niya ang kanyang sarili sa papel na kanyang ginagampanan.

Nung minsang makita namin si John ay biniro namin siya, mukha yatang panahon na niya ngayon, dahil napapansin na ang kanyang galing.

Ayon kay John ay hindi siya umaasa, ganun na siya kahit noon pa, kaya kapag hindi napasakamay niya ang tagumpay ay hindi siya nasasaktan.

"Pero alam ko na kapag sinwerte akong manalo, e, napakalaking bagay nu’n sa akin. Best actor ang pinag-uusapan dito, hindi naman kung anong award lang.

"Kung sakaling ako ang mapipili nila, kung sakaling mapasa ang acting ko sa taste nila, napakalaking bagay nu’n sa akin as an actor," sabi ni John.

Malay natin, magaling naman siya bilang si Boris sa Kay Tagal Kang Hinintay, kaya pwedeng abot-kamay na lang ang tagumpay para kay John.
* * *
Maswerte ang magkakabarkada ng Masayang Tanghali, Bayan! dahil nominado silang tatlo sa iba’t ibang kategorya sa Star Awards.

Si John bilang best actor, si Randy Santiago naman ay nominado bilang variety show host at si Willie Revillame bilang public service show host.

May kani-kanyang linya ang tatlo, kaya ang tanong na lang ay kung sino kaya o kung sinu-sino sa kanila ang makalulusot, dahil lahat naman sila’y may kapasidad na manalo.

Nu’ng malaman ni Willie na nominado silang tatlo ay isa lang ang sinabi niya, "Sana, kahit sino sa aming tatlo, e manalo. Masaya na kami nu’n, hindi naman kailangang manalo kaming lahat. Basta kahit sino sa aming tatlo ang swertihin, maganda na ’yun," sabi ni Willie.

Mas maganda ang pangalawa nilang pagsasama-sama ngayon. Kung noon ay nangyayari ang kanilang pagkokontrahan na panandalian lang naman, ngayon ay naiiwasan na nila ang ganu’n.

"Mas solid kami ngayon, wala kasing communication gap, bago mag-start ang show, e, nag-uusap-usap muna kami. Kami-kami na kung minsan ang bumubuo ng mga gagawin namin sa ere. Walang sapawan sa amin, pantay-pantay lang ang exposure namin," katwiran ni Willie.

Humahataw sa rating ang kanyang Willingly Yours, malaking oras niya ang nakukuha ng programa dahil kailangan niyang dumayo sa malalayong lugar para puntahan ang mga kababayan nating kapus-palad na nangangailangan ng suporta.<

Show comments