Kausap namin si Claudine habang naghihintay sila ni Piolo at ng grupo ng Star Cinema ng kanilang boarding time, magdamag na raw silang nag-iyakan ni Raymart, kwento sa amin ng dalaga.
"Hindi na siya sumama dahil malulungkot lang kaming pareho, pero siya ang susundo sa akin sa pagbalik ko," sabi pa sa amin ng malungkot na batang aktres.
Mula nang maging magkarelasyon sina Claudine at Raymart nung nakaraang taon ay ito ang una nilang pisikal na paghihiwalay ng matagal na panahon. Tatlong linggong mananatili sa Italy ang dalaga para sa pelikula nila ni Piolo at para sa kanilang dalawa ay taon na ang katumbas ng kanilang paglalayo.
Nakakatawa nga, dahil isang linggo pa bago umalis ang grupo ay kakwentuhan na namin si Claudine. Nagbilang na siya ng mga araw, parang ayaw na niyang dumating ang petsang September 14, ang takdang pagbyahe ng grupo sa Milan.
"Basta, pag naaalala kong malapit na akong umalis, nalulungkot na ako, hindi kasi kami sanay na malayo sa isat isa, e!
"Nung nagbakasyon ako sa Canada, nakasunod siya, inayos niyang mabuti ang kanyang schedule para makasunod siya sa akin.
"Pero this time, malabo talaga siyang makaalis, marami siyang trabaho, kaya hanggang telepono na lang muna talaga kami for three weeks," malungkot niyang sabi.
Buong Sabado ng gabi silang nagpaalaman at nag-iyakan, kung pwede nga lang sigurong isilid na lang ni Claudine sa kanyang maleta ang binata ay ginawa na niya, ganun katindi ang pag-ayaw nilang magkalayo.
"But this is work, I really have to leave, alam niya naman ang trabaho ng artista, kaya naiintindihan naming pareho ang list of priorities namin.
"Nakakalungkot talaga, but we have no choice,hindi naman kasi pwedeng palagi na lang kaming magkasama," kwento pa ni Claudine.
Pamilyado na si Aga at nakatakda nang ikasal si Donita, pero naging malaking tagumpay pa rin sa takilya ang Kailangan Kita at Nine Mornings kaya hindi sa lahat ng panahon ay kailangan pa munang pag-ugnayin ang mga bida para lang kumita ang proyekto.
Maganda ang Milan, ang unang tambalan nina Piolo at Claudine, kukunan ang halos lahat ng eksena nila sa ibat ibang lugar sa Europa.
Malaki na ang tiwala ng publiko kay Direk Olive Lamangan, may napatunayan na sina Piolo at Claudine sa pagdadala ng kani-kanilang pelikula kaya nakakita na naman ng wastong kumbinasyon ang Star Cinema sa kanilang pelikula.
Kung kapasidad sa pagganap ang pag-uusapan ay hindi na pagdududahan ang talento ni Piolo, siya ang tinanghal na pinakabatang grand slam best supporting actor ng lahat ng award-giving bodies, at si Claudine naman ay palagi ring nominado sa pagiging pinakamahusay na aktres.
Nakapag-bonding na sa Buttercup ang dalawa, wala nang problema sa kanilang samahan, tapos na para kina Piolo at Claudine ang estado ng pagkilalang mabuti ng bawat isa.
"Maalaga siya sa akin, shes much concerned with my health, my life, masarap siyang magmahal ng kaibigan," papuri ni Piolo sa dalawa.
"Ipaglalaban ko si PJ hanggang sa huli, hes such a great friend," ganting-papuri naman ni Claudine kay Piolo.