The Chino artist invasion

Paglabas nito ay dumating na ng bansa ang dalawa sa F4 na sina Vaness Wu at Ken Zhu kasama ang popular na si Shan Cai na ginagampanan ni Barbie Xu sa popular na seryeng Meteor Garden na ngayon ay nasa episode 2 na sa ABS CBN. Ang tatlo ay magdaraos ng isang konsyerto ngayong gabi sa PSC-Philsport Football Field na pinamagatang The Event.

Ayon sa balita, mabilis na nabenta ang mga tiket sa kabila ng may kamahalan ang halaga ng mga ito (P5,000 at P10,500) at sa kabila ng pangyayaring may mga kasabay itong concerts. Makakasama ng tatlo sa napakalaking musical extravaganza na ito ang nakakabatang kapatid ni Barbie na kasama niya sa grupong ASOS.

May mga Pinoy artists din na makaka-back-to-back ang apat – Southborder, Nina, Kyla, Bituin Escalante, The CompanY at si Gary V.

Sina Ken at Vaness ay kasama sa palabas na Meteor Garden at kabilang sa grupong F4 na binubuo rin nina Jerry Yan at Vic Zhou. Bilang F4, may mga gold at platinum albums na sila na lumabas sa Asya at nakapagtanghal na sa pinaka-malalaking concert venues sa Asya tulad ng Taiwan, Singapore, Malaysia at Indonesia. Si Vaness ay may kolaborasyon sa international popstar na si Beyonce Knowles ng Destiny’s Child para sa isang awitin sa mabenta nitong album.

Isang fan ng *NSYNC si Vaness na madaling makilala dahilan sa kanyang mahabang buhok na minsan ay hiniling ng isa niyang fan na mahawakan at mahalikan.

Katulad ng kanyang playboy character sa Meteor Garden si Ken dahil nagkaroon na siya minsan ng relasyon na tumagal lamang ng dalawang araw. "Eighteen lamang ako nun. Sabi ko lang sa kanya ‘sorry’ at pagkatapos ay hindi na ako nagpakita sa kanya". Ang pinaka-matagal niyang relasyon ay dalawang taon.

Samantala, hindi lamang ang pagkaapi niya kay Daoming Su ang dahilan kaya napamahal sa atin si Shan Cai kundi ang tatlo niyang mga tattoo (ankle, hand at nape). Maliit siyang tingnan sa serye pero, may taas si Barbie na 5’4’’, mahilig magbasa, mag-window-shopping, kumanta, mag-paint, mag-compose ng kanta, mangabayo at host ng isang palabas sa TV na pinamagatang The 100% Entertainment TV Show.

Para mapagbigyan ang napakaraming gustong makita ang apat na Tsino, bubuksan ang mga concert gates sa ika-5:00 n.h. Alas-8:30 ang simula ng palabas na ididirek ni Rowell Santiago.

Ang kikitain sa palabas ay para sa Bantay Bata 163. Makakabili pa ng mga tiket sa Ticketworld outlets (8915610). Bawal ang kumuha ng litrato at video sa concert.
* * *
Samantala, isa pang Chino group ang ihahandog ng Universal Records sa tulong ng Ever Gotesco Malls sa Setyembre 19-21 sa Ever Gotesco The Manila Plaza at Set. 19-21 sa Ever Gotesco Ortigas Complex. Ito ang grupong 5566, mga gumaganap ng major leads sa serye ng GMA na pinamagatang My MVP Valentine.

Magkakaroon ng mga booths sa Ever Gotesco Malls para sa mga fans nina
Rio, Zax, Sam, Tony at Jason. Mayroon sa mga booths na music video corner na pwedeng mapanood at mapakinggan ang mga awitin at concerts ng 5566. May libreng poster naman para sa mga bibili ng album ng grupo, ang "My MVP Valentine Original Soundtrack" at "First Album".

Mayroon ding videoke challenge na kung saan pwedeng kumanta at mag-enjoy ng mga hit songs ng 5566.

Ang pinaka-main attraction ay ang 5566 Exhibit. Lahat ng trivia para sa grupo ay narito. May lugar din na kung saan pwedeng magsulat ng graffitis at bumati sa grupo.

Show comments