Sa lima, halos magkakasunod na sumikat ng dekada 70 sina Rico J., Hajji at Rey habang sina Nonoy at Marco ay dekada 80 na pumasok. Magkakaiba rin ang lakas ng kasikatan ng lima. Si Rico J. ay sumikat ng husto sa pamamagitan ng kanyang sariling version ng Barbra Streisand hit song, "The Way We Were" na kanyang nilapatan ng Tagalog lyrics. Sa panahon din ni Rico sumikat ng husto ang OPM (Original Pilipino Music) na kinabibilangan din noon ng APO Hiking Society, Basil Valdez, Hajji Alejandro, Kuh Ledesma, Imelda Papin, Claire dela Fuente, Eva Eugenio, Lea Navarro at napakarami pang iba.
Maging sina Hajji, Rey, Nonoy at Marco ay sang-ayon na si Rico J. umano ang Hari ng OPM dahil naging trendsetter ito nung kapanahunan niya.
Sa rami ng mga respective classic hits ng lima na pinagsama-sama sa iisang concert, wala ngang maitulak-kabigin ang audience kaya sulit ang kanilang ibabayad.
Palibhasay magkakaiba ang style ng bawat isa sa kanila sa pag-awit at pagtatanghal, aminado rin ang apat na si Rico J. talaga ang pinakabuhay sa kanilang grupo dahil sa natural na adlibs nito.
Ang limang nabanggit na mang-aawit ay bahagi na rin ng kasaysayan ng OPM at maituturing na singing icons. Ang kanilang mga pinasikat na awitin ay nire-revive na rin ng mga bagong sibol na mga mang-aawit.
Bibigyan din ng lima sa nasabing concert ng panibagong buhay ang mga classic hit songs ng mga mang-aawit na nagbigay sa kanila ng impluwensiya tulad nina Stevie Wonder, Marvin Gaye, Jack Jones, Frank Sinatra, Bread, Barry Manilow, James Brown at iba pa.
Taong 1987 nang mag-desisyon si Hajji na makipagsapalaran sa Amerika kung saan siya namalagi ng limang taon. Taong 1992 nang magdesisyon siyang bumalik ng Pilipinas at muling bigyan ng panibagong pagkakataon ang kanyang singing carrer. Tyempo naman at kinontrata siya ng BMG (Pilipinas) Records kung saan siya nagsaplaka ng apat na magkakahiwalay na album na ang una ay pinamagatang "Ang Pagbabalik".
Dalawa ang naging anak ni Hajji sa una niyang misis sina Rachel at Bernadette. Si Rio Diaz ang kanyang naging second wife at nagkaroon sila ng isang supling si Alihaj na 20-taong gulang na ngayon. Pero kahit hiwalay na sila ni Rio, nanatili silang magkaibigan dahil na rin sa kanilang anak.
Aminado si Hajji na sa tatlo niyang anak, si Rachel lamang ang sumunod sa kanyang mga yapak bilang isang singer-performer although may talent din sa singing ang dalawa pa niyang anak. Palibhasay mahiyain, ayaw mag-showbiz ni Bernadette na isa na ngayong nursery school teacher. Si Ali naman ay nag-aaral sa UP College of Music majoring in Classical guitar. Si Rachel ay naka-base na ngayon sa L.A. pero lilipat umano ito ng New York. Pauwi-uwi lamang ito ng Pilipinas kapag meron siyang shows dito. Uuwi rin ito sa repeat concert ng The Greatest Hits.... sa Big Dome dahil isa siya sa mga special guests.