Impostor ng April Boys, gumagala

Dapat sanay maging masaya kami dahil kumakanta ang magaling na novelty singer na si Yoyoy Villame ng kanyang walang kamatayang "Butsikik" at "Magellan", pero sa halip ay lumuha kami, dahil sa kabilang gilid ng aming mga mata ay naroon ang kanyang asawang si Ate Tess na ngayon ay nakikipaglaban para humaba pa ang buhay.

May breast cancer ang misis ni Tito Yoyoy. Binigyan ito ng tatlong buwang taning ng mga doctor para mabuhay pero tama ang singer, milagro ang dahilan kung bakit hanggang ngayo’y kasama pa rin nila ito.

Napakalaki ng ipinangayayat ng misis ng singer, isang buwan pa lang itong namamahinga sa bahay ngayon mula sa tatlong buwang pagkakaospital. Umabot na sa P600,000 ang nagastos nila sa kabuuang panahon ng pagpapagamot sa Makati Medical Center.

"Napakahirap ng ganitong kalagayan, kahit ano’ng gawin ko, nahihirapan akong makabuo ng kanta. Kaya kong mag-perform, tulad pa rin ng dati ang performance ko, pero sa puso ko, nandito ang lungkot dahil sa kalagayan ni misis," nangingilid ang luhang sabi ni Tito Yoyoy.

Tinanggal na ang kanang dibdib ni Tita Tess limang taon na ngayon ang nakakaraan. Pero nu’ng nakaraang taon ay umatake ang matinding pananakit ng kaliwa, hanggang sa magkaroon na ito ng tubig sa baga?

"Lahat ng naipon namin, nagastos na namin sa pagpapagamot niya. Everyday naman, P1,500 ang gastos sa kanyang mga gamot.

"Okay lang ‘yun, hiram dito hiram du’n ang ginagawa ko kapag talagang kailangan, buhay kasi ang nakataya sa labanan na ito," sabi uli ng singer.

Matindi ang paghamong pinagdaanan ngayon ng pamilya, pero hindi sila bumibitiw sa laban, "basta ginusto ng Diyos, walang imposible," tama ang sinabi ni Yoyoy Villame.
* * *
May impostor na nanggagaya kay Vingo Regino ng April Boys. Makapal ang mukha ng kababayan nating ito na ayaw magpakahirap para mabuhay, kaya puro panloloko ang ginagawa.

Nu’ng isang gabi ay tinawagan kami ng isang ahente ng NBI, may kaso raw si Vingo sa Interpol, dahil itinakbo niya ang mamahaling videocam ng isang ahente naman ng US Embassy.

Nakapagtataka ang impormasyong nakarating sa amin, kilala namin ang magkakapatid na April Boys, Jimmy at Vingo. Sila ang natatakbuhan ng mga promoter at hindi sila ang nambibiktima.

Ayon sa nakausap naming NBI agent ay may isang taong nagpakilalang si Vingo Regino sa US Embassy. Gusto raw nitong maging undercover agent ng embahada, may alam daw itong agency na nagpoproseso ng mga pekeng visa.

Natural, pinatulan ng mga agents ang lalaki na ang porma ay April Boys talaga. Humingi ito ng mga gadgets para sa operasyon.

Ipinagkatiwala rito ng mga ahente ang isang mamahaling videocam at mikropono para mapasok nila ang agency na sinasabi ng pekeng Vingo, pero hindi na bumalik ang lalaki nang makuha ang videocam.

Galit na galit si Vingo nang ipaalam namin sa kanya ang kwento. Pumasok agad sa kanyang utak ang impostor na ilang beses nang humihingi ng paunang bayad sa mga piyestahan, ang kanyang pangalan din ang ginagamit nito.

"Wala po akong kalaban-laban kung nagkataon, huhulihin na pala ako ng NBI. Kaya ang gusto ko po nawa’y eh, ang makaharap ko ang agent na niloko ng impostor ko.

"May surveillance camera naman po sa embassy, kaya gusto ko sanang makita kung paanong panggagaya ang ginagawa niya sa akin," napapailing at galit na sabi ni Vingo.

Masyado nang malawak ang naiikutan ng manlolokong ito, kaya nawa’y magsilbing babala ang kolum na ito sa mga promoters na gustong makuha ang serbisyo ng April Boys, may impostor po ngayong gumagala na ginagamit ang kanilang itsura at pangalan.

Show comments