Camille, huwag nang itago ang anak

May isa o dalawang buwan na naming napanood ang bold actress na si Camille Roxas sa kanyang one-on-one interview kay Joey Marquez sa S-Files kung saan nito pinabulaanan na nagbuntis siya courtesy ng kanyang lover na Hapon. Ipinagmalaki pa nito kay Joey ang kanyang seksing katawan. Pero dahil sa kasabihang walang lihim na hindi nabubunyag, ipinakita sa S-Files nung nakaraang Linggo ang footages ng binyag ng anak ni Camille na ginanap sa Pampanga at dalawa sa mga tumayong godparents ay sina Mystica at Ian Valdez na parehong nagpatotoo na si Camille nga ang ina ng batang bininyagan.

Wala ang ama ng bata sa binyagang naganap kaya clueless pa rin hanggang ngayon ng marami kung sino ang ama ng bata. Although may mga nagsasabi na Hapon umano ang ama ng anak ni Camille.

Pero ang ipinagtataka ng marami ay kung bakit kailangan pang itago ni Camille ang kanyang anak. Kung naging matapang siya na ito’y dalhin sa loob ng siyam na buwan sa halip na ipalaglag, bakit hindi niya harapin ang katotohanan na isa na siyang dalagang-ina? May mawawala ba sa kanya kung aaminin niya sa publiko na isa na siyang ganap na ina?

Siguradong may matinding rason si Camille kung bakit niya itinatago ang kanyang anak. Pero anumang tago ang gawin niya, lalabas at lalabas pa rin ang katotohanan.

Huwag na sanang hintayin ni Camille na masumbatan siya ng sarili niyang anak pagdating ng araw dahil sa pagtatago niya rito.
* * *
Nag-enjoy kami sa panonood ng hit musical play na Honk! The Ugly Duckling kung saan si Franco Laurel ang gumanap sa lead role habang si Agot Isidro naman sa papel ng Mother Duck na ginanap sa Meralco Theatre nung nakaraang Sabado (Aug. 30) ng hapon. Ito’y tinampukan din nina Carla Martinez, Nanette Inventor, Sheila Francisco, Sweet Plantado, Lana Jalosjos at Paolo Valenciano (panganay na anak ng mag-asawang Gary at Angeli Valenciano). Ito’y produced ng Trumpets at dinirek ni Chari Arespacochaga. Namataan din namin sa audience ang mag-inang Jamie Rivera at ang six-year-old na si Raine.

Since pawang mga stage actors ang bumubuo ng cast, naging revelation sa amin sina Agot at Nanette na parehong mahusay sa respective roles na kanilang ginampanan. At siyempre pa, nabigyan ng hustisya ni Franco ang kanyang role bilang Honk! The Ugly Duckling na na-transform bilang isang swan sa bandang huli.

Nakakatuwa ang play dahil kapupulutan ito ng aral. Pami-pamilya ang mga nanood ng play nung nakaraang Sabado at pinakamarami ang mga bata.

Bukod sa Honk! The Ugly Duckling na tatakbo hanggang September 7, ang Trumpets Production din ang nag-produce ng iba pang hit musical plays tulad ng Joseph The Dreamer, The Little Mermaid at ang The Lion, The Witch and The Wardrobe kung saan namin unang napanood ang binata nina Gary at Angeli na si Paolo.
* * *
Nag-text sa amin mula sa Istanbul, Turkey ang kaibigan nating si Jun Lalin para ipaalam na nag-sail umano sila sa Turkey gamit-gamit ang yate ng mister ni Ruffa Gutierrez na si Yilmaz Bektas.

Nasa Istanbul na ngayon ang mag-anak — Yilmaz, Ruffa at ang first baby nilang si Lorin Gabriella kasama ang parents ni Ruffa na sina Eddie Gutierrez at Annabelle Rama at ang sosyalerang si Jun Lalin.

Although mas gusto talaga ni Ruffa na sa LA sila mamimirhan, hindi na ito mangyayari dahil si Yilmaz na rin ang masusunod. Sa Istanbul sila titira. Nakatakdang umuwi ng Pilipinas sina Yilmaz, Ruffa at Lorin sa Disyembre para sa binyag ng bata at sa Pilipinas na rin sila magpapalipas ng Pasko. Habang sina Eddie, Annabelle at Jun ay pupunta ng LA bago bumalik ng Pilipinas.
* * *
Personal: Happy birthday kay Dondie Prats (ama nina John at Camille Prats) sa araw na ito ng Miyerkules, September 3.
* * *
Email: <a_amoyo@pimsi.net>

Show comments