Kristine, bumalik kay Marvin!

Kaga-graduate lamang ni Monique Wilson sa Central School of Speech and Drama sa London kung saan siya nag-aral ng Masters in Applied Theatre and Drama Education/Directing. Ngayong nakabalik na siya sa bansa, magkakaroon siya ng solo concert na gaganapin sa bagong Republic of Malate Theatre sa darating na September 26 at 27 na pinamagatang Monique Sings Gershwin and Other Broadway Hits kung saan din niya ilo-launch ang kanyang Tokyo recorded album na "Monique Sings Gershwin" sa ilalim ng Musicscape.

Sa solo concert ni Monique, nakatakda niyang awitin ang classic hit songs ni Gershwin tulad ng "Embraceable You", "Someone to Watch Over Me", "But Not For Me", "The Man I Love", "You Can’t Take That Away From Me" at marami pang iba. Kakantahin din niya ang ilan pang mga awitin mula sa musical na "Crazy for You" plus Broadway hits mula sa iba’t ibang musicals.

Kasama sa ispesyal na konsepto ng concert ni Monique ang mga makabagong theatrical devises na kanyang ipamamalas kasama ang bagong tatag na theatre group na siya mismo ang nagbuo at namamahala.

Habang nag-aaral si Monique ng kanyang masters sa London, nagkaroon siya ng one-woman show sa Edinburgh Fringe Festival. Kasalukuyan naman niyang inaayos ang New Voice company-UK chapter theatre company sa London.

Bukod sa kanyang concert, magiging abala siya sa iba pang theatre projects. Nakatakda siyang magtanghal para sa isang special week-end performance series ng hit play na The Vagina Monologue kung saan niya makakasama sina Zeneida Amador at Baby Barredo.

Nakatakda ring magturo si Monique ng special theatre classes at master classes para sa New Voice Company’s new drama workshop series na magsisimula sa September 7 at tatakbo hanggang November na magkakaroon din ng week at weeknights classes. Ito’y bukas sa mga adults, teens at mga bata.

Lahat ng classes ng New Voice Company na pinamamahalaan ni Monique ay gaganapin sa NVC Actors Studio na matatagpuan sa 8029 Tanguile Street, San Antonio Village, Makati City. Para sa mga katanungan, mangyari lamang tumawag sa mga teleponong 8990630 at 8965497 (telefax) o di kaya magpadala ng e-mail sa nvc@pacific.net.ph
* * *
Panandaliang naputol ang relasyon noon nina Marvin Agustin at Kristine Hermosa nang mabuo ang loveteam nina Marvin at Jolina Magdangal. Pero naging mag-on sina Marvin at Kristine nang magkasama ang dalawa sa isang lingguhang drama serial. Wala pa rin noon si Jericho Rosales sa buhay ni Kristine dahil ka-loveteam naman noon ni Jericho si Angelika dela Cruz.

Marami na ang nangyari since then. Pareho nang lumipat sa GMA-7 sina Angelika at Jolina at naiwan sa ABS-CBN sina Marvin, Kristine at Jericho, ipinareha ng ABS si Kristine kay Jericho at nag-click ang kanilang tambalan at si Marvin naman ang nawalan ng ka-loveteam pero nakatayo ito on his own nang hindi kailangang dumipende sa isang loveteam. At kung kelan naman naging mainit ang tambalan nina Kristine at Jericho saka naman sila nag-break at itinuturong si Cindy Kurleto umano ang dahilan.

Although tuloy pa rin ang loveteam o team-up nina Kristine at Jericho sa pamamagitan ng kanilang bagong teleserye na kung saan kabituin din nila si Marvin, mukhang, binubuhay na naman ni Marvin ang kanyang panunuyo kay Kristine. May mga nagsasabi na nagkabalikan na ang dalawa dahil nakikita silang magkasama.
* * *
Habang sinusulat namin ang kolum na ito ay nasa kritikal pa ring kundisyon ang showbiz talk show host na si Ate Luds (Inday Badiday) na kasalukuyan pa ring nasa ICU ng St. Luke’s Medical Center magmula nang siya’y isugod doon nung Agosto 19 ng gabi. Since then, lalong nag-deteriorate ang kanyang kundisyon sanhi na marahil ng kumplikasyon ng kanyang sakit sa kidney.

Hinihingi ng pamilya, mga kaanak at malalapit na kaibigan ni Ate Luds ang patuloy na panalangin sa kanyang agarang paggaling.
* * *
Email: <a_amoyo@pimsi.net>

Show comments