2 anak lamang at 3 kapatid ang kasama ni Lotlot sa bahay

Matagal naming nakakwentuhan ang bagong pintor na si Nadia Montenegro at nasabi nito sa amin na balak niyang magbalik-showbiz pero bago ito ay kailangan niyang magbawas pa ng timbang, nabawasan na umano siya ng 23 lbs. Panay umano ang paglalaro niya ng badminton at one meal a day na lamang siya.

"Determined talaga akong magpapayat. Otherwise, hindi ako tatanggapin ni Tito Douglas (Quijano)," biro niya.

Fourteen years ago nang huling gumawa si Nadia ng pelikula sa pamamagitan ng Dyesebel (1989) na pinagbidahan ni Alice Dixson sa Regal Films. Mula noon ay ginugol na lamang niya ang kanyang oras sa kanyang domestic life. Bilang ‘maybahay’ ng dating mayor ng Caloocan na si Boy Asistio at ina sa kanilang limang anak.

Ngayong 31 na si Nadia at trese-anyos na ang kanyang panganay na anak, doon niya naiisip na magbalik-showbiz. Hindi niya ikinakaila na nami-miss niya ito although very much around pa rin siya sa mga showbiz gatherings.

"Hiningi ko ang permiso ni Boy at ng mga anak ko at hindi naman sila tutol. Since 31 na ako at may limang anak, willing na akong gumanap sa papel ng nanay," pahayag niya.

Bukod sa acting na kanyang first love, nakadiskubre rin si Nadia ng bagong talent, ang pagpipinta. Nag-aaral din siya ngayon ng culinary arts dahil plano niyang magtayo ng isang restoran balang araw.
* * *
Nangungupahan ngayon si Lotlot de Leon ng isang bahay sa may Tierra Pura in Quezon City kung saan niya kasama ang dalawa sa kanyang apat na anak – sina Jessica at Maxine.

Ang dalawa pa nilang anak ni Monching na sina Janine at Diego ay naiwan kay Monching.

Bukod sa dalawang anak, kasama rin ni Lotlot ang mga kapatid niyang sina Matet, Kiko at Kenneth.

Sa kabila ng paghihiwalay ng landas ng mag-asawang Monching at Lotlot, umaasa pa rin ang mga taong malalapit sa (dating) mag-asawa na magkakabalikan pa rin ang dalawa lalo pa’t wala namang third party na involved sa hiwalayang nangyari.
* * *
Sinusulat namin ang kolum na ito (Lunes ng hapon) ay umaasa at nagdarasal kami na sana’y malagpasan ni Ate Luds (Inday Badiday) ang pinakabagong pagsubok na dumating sa kanya na may kinalaman sa kanyang kalusugan.

Martes ng gabi nung linggo nang isugod si Ate Luds sa St. Luke’s Medical Center dahil sa pagbaba ng kanyang sugar pero ang pinakapuno’t dulo rito ay ang kanyang malalang sakit sa kidney kung saan ay mag-iisang taon na siyang sumasailalim ng dialysis. Several years ago, sumailalim na rin si Ate Luds ng multiple by-pass operation sa kanyang puso kaya masasabing, kumplikasyon na rin ang dumapo sa kanya.

Isang linggo nang nasa ICU si Ate Luds at tila nasa malalang kundisyon na. Higit kailanman, mas kailangan ni Ate Luds ngayon ang panalangin ng lahat na sana’y malagpasan niya ang krisis na kanyang kinakaharap ngayon.
* * *
Pwedeng ihambing sa isang puno na hitik ng bunga ang takbo ng career ngayon ng singer-composer-turned TV host-comedian na si Ogie Alcasid.

Kung kelan 15 years na siya sa entertainment field ay saka naman naging mabungang lalo ang kanyang career.

Sa darating na Oktubre 10, muling babalik si Ogie sa Big Dome para sa kanyang second major concert na pinamagatang OA @ 15. Sisimulan na rin niya ang kanyang bagong pelikula, ang Kapten Barbel na joint production ng Viva Films at Premiere Productions na ididirek ni Mac Alejandre. Pero bago ito ay umalis si Ogie nung nakaraang Lunes patungong Sydney, Australia para doon idaan ang kanyang ika-36 na kaarawan sa piling ng kanyang pamilya.

Sa kanyang pagbabalik ay sisimulan naman niya ang shooting ng kanyang MMFF entry, ang Kapten Barbel na pagsasamahan nila nina Bong Revilla, Regine Velasquez, Rufa Mae Quinto at Antonio Aquitania. At pagkatapos nito ay saka naman haharapin ni Ogie ang paghahanda sa kanyang nalalapit na concert sa Araneta Coliseum.
* * *
Email: <a_amoyo@pimsi.net>

Show comments