Kahit nagkaka-ugaga ang iba sa mga chinovela, ganda pa rin ng kwento ang nangingibabaw sa mga telenovela na pinipiling ipalabas ng ABS-CBN, gaya ng Por Ti na magsasalarawan ng kwento ng pamilya Cortes, ang makapangyarihang may-ari ng ranchong La Rosaleda.
May isang away na nabuo pagkatapos mamatay ni Don Romulo Cortes, ang matandang may-ari ng La Rosaleda. Nasa gitna nito ang dalawa niyang apo, ang matapobreng si Cesar (Francisco de LaO) at ang makataong si Antonio (Leonardo Garcia Vale). Paborito ng mga tauhan ng La Rosaleda si Antonio, kung kayat ganun na lang ang galit ng mga ito nang magsimulang mamahala si Cesar sa lupain - ngunit totoo nga bang ang ina nilang si Francisca (Regina Torne) ang may pakana ng lahat? At nasaan nga ba ang testamento ni Don Romulo, na nawala na lang bigla ng gabing namatay ito?
Malalaman ni Antonio na may mga tauhan silang maaaring may hawak ng susi sa gulo sa rancho, dahil inihabilin daw ni Don Romulo ang kanyang testamento kay Isabel, isang trabahador sa rancho, noong gabi ng kanyang pagkamatay. Pero nang mamatay din si Isabel noong gabing iyon, nawala rin ang testamento. Ngayon, kailangan na lamang ni Antonio na imbestigahan ang alam ng natitirang pamilya ni Isabel. Tulungan kaya siya ni Maria (Ana dela Reguerra), ang anak ni Isabel?