Ayon sa isang malapit kina Carmina at Zoren, going strong pa rin ang relasyon ng dalawa at maligaya sila sa piling ng kanilang lumalaking kambal. Kaya nga raw todo-kayod ngayon ang dalawa ay gusto nilang makabili ng sarili nilang bahay. Ito ang pinag-iipunan nila, bukod pa sa pag-aasikaso sa kanilang mga anak.
Ang sabi pa ng kausap namin, unfair naman daw kina Carmina at Zoren ang tsismis dahil namumuhay sila ng tahimik. Ayaw naman nilang isipin na may naiinggit lang sa magandang samahan nila. Dahil lang ba sa kani-kanilang kapareha sa serye, tototohanin na ang kanilang mga role in real life, huwag naman daw at trabaho lang ito, walang personalan.
Anyway, narito ang bagong balita sa kanila. Pangungunahan nila ang programang Kakabakaba sa GMA 7. Series na ito ngayon at makakasama nila ang G4 ni Douglas Quijano at iba pang bagets ng Siyete, sa direksyon ni Dingdong Dantes.
Siguro naman, sa pagsasama nila sa isang serye, matatahimik na ang intriga sa kanila. Pareho pa namang magaganda ang reviews patungkol sa kanilang acting ngayon, lalo na kay Carmina, kaya pabayaan na lang muna natin sila, puwede ba? Ben Dela Cruz