Patricia, tini-text hanggang ngayon si Mayor Malonzo

Sa isang mapagkakatiwalaang source ko narinig na hanggang ngayon pala ay nagti-text pa si Patricia Javier kay Caloocan Mayor Rey Malonzo. Matagal na kasing tapos at naipalabas na ang pinagsamahan nilang pelikulang Operation Balikatan sa Premiere Productions. Ito kaya ang dahilan kung bakit pinagseselosan na siya ng maybahay ni mayor na si Gigi Malonzo? At kung bakit nawala ang napaka-tagal ng crush sa kanya ng anak ni mayor na si Christopher PJ Malonzo?
* * *
Naging tampulan na naman ng tukso sina Kyla at JayR nang mag-guest ang una sa launching ng debut album ng huli na ginanap sa Dish Rockwell nung Biyernes ng gabi. Nagsimula ang pagtatambal ng dalawa sa programang SOP. At bagaman pinabubulaanan ni Kyla na mayroong namamagitan sa kanila ng balikbayan singer at ibinigay na dahilan ang pagkakaroon nito ng girlfriend, still mas marami ang naniniwala na isa silang romantic tandem.

Ang unang album ni JayR ay pinamagatang "Gameface" at prodyus ng NU Life Entertainment ng USA at ipinamamahagi sa Pilipinas ng Universal Records Inc.

Si JayR ay si Jay R Sillona, ipinanganak at lumaki sa Tate, anak ng dalawang Pinoy, sina Jun at Ampy Aquino Sillona.

Thirteen years old siya nang unang maging myembro ng isang banda. First mentor niya ang kanyang tiyuhin na manager ng isang popular na grupo sa LA, ang Howlers.

Sa gulang na 16, matatawag na siyang isang beterano sa larangan ng musika. Nakakapag-gigs na siya, nagba-back-up vocals sa mga kilalang artists at nakakapagsulat na ng mga awitin kasama ang mga tulad nina Steve Singer (Donna Cruz, Vanna Vanna, Jason Everly), Gary Brown (Gladys Knight, Kenny Latimore, *NSynch) at marami pa.

Dahil laking Tate, may hip hop sensibilities si JayR na gaya ng pinatutunayan ng kanyang mga awitin sa album. Ang carrier single na "Design for Luv" ay madalas nang marinig sa radyo. Maganda rin ang MTV nito na kinunan at prodyus sa LA. Ang iba pang mga awitin sa album ay ang "Where Do We Go". "All I Need", "I Got A Girl", "Farewell", "Rivers Running", " Gameface", "Tongue Ring", "My Best Friend’s Girl", "Our Love", "Kaibigan" at "Bakit Pa".
* * *
Congratulations kay Boss Vic del Rosario sa matagumpay niyang Greatest Hits concert nung Sabado sa Araneta Coliseum. Nagbukas ng pintuan ang naturang palabas sa mga veteran singers na matagal nang di nakikita at naririnig ng tao pero nakatatak pa rin sa kanilang mga puso ang mga awitin nila.

Nakita rin ng marami ang pinag-uusapang kaberdehan ni Rico J. Puno. At kataka-takang di sila nabastos sa mga pinagsasabi nito.

Ang gagaling pa ring performers nina Rico, Hajji Alejandro, Nonoy Zuñiga, Marco Sison at Rey Valera. Naging isang malaking sorpresa ang pagsali sa palabas ng mga anak nina Rico, Hajji at Marco na sina Tosca, Rachel Alejandro at Alain Salvador Sison. Lalo na si Tosca na first time nakita ng maraming tao. Bukod sa napakagaling din nitong kumanta ay napaka-ganda pa rin. Sana maging aktibo na rin ito sa pagkanta. Bitin naman ang guesting nina Sarah Geronimo at ng Viva Hot Babes.

Show comments