Mula noon, madalas nang nangunguna sa ratings ang Emergency sa late night current affairs programs. Lima sa mga palabas ng ABS-CBN na nakatapat nito ang wala na ngayon sa ere (Dong Puno Live, The Inside Story, Jullie, True Crime at Isyu 101 with Korina Sanchez and Cito Beltran). Ang pinakabagong katapat nito, ang Speical Edition, ay nakakukuha lamang ng kalahati ng ratings ng Emergency.
Maliban sa mga manonood, napapansin rin ng mga ahensya ng gobyerno ang paglilingkod ng Emergency sa publiko. Kamakailan, pinasalamatan ito ng Philippine Drug Enforcement Agency matapos maipaabot sa kanilang atensyon ang tungkol sa mga bagong kinalolokohan ng mga lulong sa ipinagbabawal na gamot. Ginawaran din ito ng National Disaster Coordinating Council ng Gawad Kalasag na ibinibigay sa mga organisasyong aktibo sa pagpapalaganap ng impormasyon tungkol sa disaster preparedness.
Dalawang ulit na ring nakaabot ito sa finalists status sa The New York Festivals for Film and Television.
Halos pitong taon na ring host ng Emergency si Arnold Clavio. Mula sa mga ulat tungkol sa mga engkwentro sa pagitan ng mga militar at rebelde sa Mindanao, mga coup at mga kalamidad hanggang sa mga public service at feature-type na mga ulat, ibinabahagi ni Arnold ang impormasyon gamit ang kaniyang sariling istilo sa pamamahayag.
Tatlong taon na rin ang nakalilipas mula nang makiisa si Susan Enriquez sa Emergency team. Mula noon, marami na rin siyang nailalantad na mga pagbabanta sa buhay at kaligtasan.