Nakalulungkot lang dahil mukhang hindi masyadong mulat si Wendell sa sinasabi ng batas, madali lang magbanta, pero ang batas ay batas.
Bago siya magpakawala ng mga ganung pahayag, dapat ay nagtatanong-tanong muna siya sa mga abogado, para malaman niya na ang bata hanggang wala pang pitong taon ay kailangang nasa pangangalaga pa ng ina nito.
Ang kanilang anak ni Jet ay apat na taong-gulang pa lang ngayon, kaya ang bata ay kailangang nasa poder pa ni Jet. Mabuti nga at ipinahihiram sa kanya nito ang bata.
Sa mga ganyang kaso ay visitation rights lang ang pinapayagan ng korte, pagdalaw lang sa ama at hindi ang halinhinang hiraman.
Ang paghihiraman ng lingguhan sa bata ay silang dalawa na lang ang nagdesisyon, labas na ang korte sa kanilang usapan. Pero kung ganyang nagbabanta si Wendell ay baka mabago na ang sitwasyon.
Baka dahil sa pananakot ng aktor ay panindigan na ni Jet ang hindi pagpapahiram sa kanya sa bata, lalo lang magiging magulo ang kanilang sitwasyon, lalo nat nag-aaral na ngayon si Jopjop.
Mula nang basagin ni Jet ang kanyang pananahimik ay hindi na ito tinantanan ni Wendell sa telepono. Saksi ang maraming kaibigan ni Jet sa walang habas na pagmumura ng aktor sa babae, na kabaligtaran ng impresyon ng marami kay Wendell.
Ayon sa pamilya ni Jet ay palagi raw pinaliliguan ng pagmumura ni Wendell ang ina ng kanyang anak, samantalang kung tititigan mo nga naman ang aktor, ang imaheng makikita mo ay parang sa isang anghel.
"Kami rin naman nung una, e, naloko ni Wendell, yun din ang akala namin, pero kabaligtaran pala ang itsura niya ang ugali niya!" sabi pa ng mga ito sa amin.
Nung una raw niyang marinig ang kuwentong sinasaktan nga ni Wendell si Jet ay ayaw pa niyang maniwala sa istorya, baka raw nag-iimbento lang ang babae dahil hiwalay na nga sila ng aktor.
Pero marami raw nagsasabi sa kanya na mabigat nga ang mga kamay ni Wendell, bukod dun ay mahilig pa raw itong mang-abuso ng babae sa pamamagitan ng berbal na pag-atake.
Pero ayaw pa rin daw niyang maniwala sa kanyang mga naririnig, ibang Wendell daw kasi ang nakikita niya, kabaligtaran ng mga kuwentong labas-pasok sa kanyang mga tenga.
Hanggang sa isang araw ay naging saksi siya sa isang senaryong kahit sa panaginip lang ay hindi niya sukat-akalaing magaganap.
Ayaw nang idetalye pa sa amin ng aming impormante kung ano ang kanyang nakita nang harapan, basta ang mahalaga ay pinaniniwalaan daw niya ang mga ipinahayag ni Jet, dahil siya mismo ang nakapagpatunay non sa kanyang sarili.
Ang totoo ay pinayuhan pa nga raw niya ang aktor na magpatingin sa isang psychiatrist. Wala naman daw masama kung sakaling gawin yun ni Wendell, dahil baka may kung anong problema lang na bumabagabag dito.
Mas maganda nga naman kung habang maaga pa lang ay maugat na ang dahilan ng pagiging mainitin ng ulo ni Wendell, para huwag nang lumala pa ang problema nito.
"Naniniwala ako kay Jet, hindi ko siya kilala, pero napatunayan ko sa sarili ko na totoo ang mga sinasabi niya," sabi pa ng aming source.